Hoy, Ikaw:
"PINAPALAYA NA KITA, MAGHIWALAY NA TAYO!"
Medyo hipokrito mang pakinggan eh, sadyang masaya talaga ako sa
paghihiwalay na ito. Kagaya ng mga dating ng mga hiwalayan na akin nang
naranasan, tanging ngiti at pag-asa lamang ang pinanghahawakan na darating
parin ang panahong babalik ka rin sa akin na hindi na ang dating ikaw. Mas
maayos, masaya at matagumpay na ikaw. Sana nga. alam ko namang hindi gaanong
kaganda ang una nating pagsasama, kahit sino naman siguro'y matatakot sa
responsibilidad kung kaya mali man ay nasa pangarap ko na ang hiwalayang ito sa
simula palang. Mali pero totoo. Hindi ko rin inakalang magiging masaya ang
ating pagsasama sa pagdaan ng mga araw. Unti unti mo akong tinuruang magpakita
ng malasakit. Pinakita mo sa akin ang saya sa mga pagkakataong tayo'y magkasama.
Ginawa mo akong tao uli. Pinatawa, pinaiyak at pinakaba; tunay ngang natatangi
ang ating pagsasama. Halos sabay nating binuo ang ating mga pangarap, bagamat
di kaila na mas marami ang mga pangarap ko sa iyo kaysa para sa aking sarili.
Mga pangarap na sa ating dalawa ay tila ako lang naman talaga ang naniniwala.
Ako ang gumawa at ako lang rin ang nagpapakita ng pagkukusa.
Ilang beses na rin akong napuyat at nagkasakit ng dahil sayo, nageefort
sa kung ano anong bagay na ang laging ending naman ay di mo pinapahalagahan,
binabalewala at kung minsan pa’y sinisira. Mabanggit ko lang din yung ilang
beses na mas inuna kita kesa sa sarili kong pamilya, yung imbes na nasa bahay
na sana ako at nagpapahinga ay pinipili ko paring dalawin ka at kung minsan
pa’y nakikigulo sa mga isyu ng iyong pamilya. Ilang beses na nga ba akong
naglabas ng pera para sa relasyon nating dalawa? Yug tipong kahit piso pinilt
kong wag kang pagbayarin para walang masabi ang mga tsismosa. Gayun pa man hindi
naman sa gusto kong pagbayarin ka, ginawa ko naman iyon ng buong malasakit at
pagsinta. Marahil tanga nga sa tingin ng iba, nakapagaral pa naman daw ako sabi
pa ng iba. Well, ganung siguro talaga, kasi nga minahal na rin kita. Ilang
beses man nilang sabihing pagmamay ari ka ng iba. Ilang beses mang kutsain
dahil sa sobrang malasakit na pinakita, anong magagawa ko kung ito sakin ang
nagpapaligaya, pero sana bago tayo tuluyan ng hindi magkita ay baunin mo sana
ang aking sampung “SANA”…
Sana wag ka ng tatanga tanga: Matalino ka! Ewan ko ba kung bakit hindi
mo nakikita. Maraming ka nga alam na gawin na ayaw mo lang linangin. Sana sa
muli nating pagkikita eh lahat na sana ng talent mo ay nadiscover mo na.
Sana wag kang tumigil: Sa lahat ng pagkakataong panghihinaan ka ng loob,
alalahanin mo lang na lagi akong proud sayo. Kahit san ka man makarating,
pangako ko’y sa lahat ng kasawian at tagumpay mo’y aariin ko rin na parang
akin, kaya tumuloy ka lang, mangarap hanggang sa ninanais mo’y makarating.
Habang ako ay nakatanaw sa malayo’t patuloy kang sinasamahan sa tingin.
Sana’y lagi kang maging masaya: Kung ano mang kahinatnan ng mga minsang
pinangarap natin, isa lang ang laging dasal ko, at iyon ay ang kasiyahan mo.
Hayaan mo na ang pride ko, basta ang alam ko’y kapag masaya ka ay OK na rin
ako.
Sana’y mga pagkakamali mo’y di na ulitin pa: Umayos ka! Hindi ko katulad
ang lahat ng tao sa mundo na may gamilyang pasensya. Hindi lahat ng tao ay
pipiliting humanap ng buti sa iyong pagkakamali, hindi lahat ay magpapatawad
tuwing ika’y magkakamali kaya’t sa kung ano mang paraan ay piliting bawasan ang
mga pagkakamali.
Sana’y lagi kang paring magmalasakit sa iba: Tumulong ka rin sana
hangga’t may pagkakataon. Tumulong kahit walang nakatingin, tumulong ng walang
hinihinginng kapalit ni isang kusing.
Sana’y mga pangako mo’y tuparin: Ok, ihuli mo na ang mga pinangako mo sa
akin, pero sana ay gawin ang lahat upang mga pangako mo sa sarili’y at mga
gusto sa buhay ay marating.
Sana ay di ka magbago: Umaasa parin akong muling makikita ang dating
ikaw sa hinaharap, bagamat tila imposible, gusto ko paring maramdaman ang
inosente at busilak na kasiyahang ating minsang pinagsaluhan. Ating unang
pagkikita ay tunay na di malilimutan.
Sana kayanin ko ring magpatuloy: Hindi ko alam kung magiging sing saya
parin ng dati ang mga susunod na panahon lalo pa’t alam kong ika’y wala na
roon. Sana ay kayanin ko paring magpatuloy at di madikit sa nakaraan, pagkat
alam kong sa akin ay di lamang ikaw ang may kailangan.
Sana ay wag mo na akong balikan. Kailan man ay hindi ko hinangad na
ibalik mo ang ano mang aking ibinigay. Minsan na rin akong nabigyan, kaya’t
maaari bang wag na sakin ibalik ang mga
nabigay, bagkus ay ipasa ito sa iba at bumago ng ibang buhay. Lagi mong tandaan na sa buhay, kapag
tumulong ka’y dapat walang kapalit na hinihintay.
Sanay na ako sa ganito: Wag mo na akong pilit na lingunin, wag mo na rin
sana masyadong isipin, pansamantalang iwanan ang kahapon, pagkat mas kailangan
ka ng ngayon. Ayokong ako pa ang maging dahilan
kung bakit mga pangarap mo ay di makakamtan. Isa pa, taon taon naman talaga
kaming iniiwan, ng mga bata minsan naming minahal, mga batang binahagian ng mga
aral, mga batang madalas na pumupuno ng aming dangal. Iwan mo ako’t tagumapy mo
ay ang aking laging dasal.
“Muli, binabati kita!. Ito na marahil ang pinakamasayang PAGTATAPOS.
Labyu”.
Hanggang sa muli,
Ako