Friday, November 9, 2012

11-14-2009:A Walk That I Dont Want to Remember

“And our second sole  survivor is… AMANDA!” , putres nayan! Bakit hindi si Justin ang nanalo sa Survivor Philippines? Ang tanga-tanga naman ng mga castaways na bumoto kay Amanda! Hay, 11:30pm na pala at halos napuyat ako sa walang kwentang Finale na yon. Hmpt.


 
Unli nga pala ako. Gud nyt everyone! Sayang di nanalo si Justin sa Survivor kainis natalaga … Unlang! (Yan yung huling gm ko bago ko humiga kung may nagreply man di ko na maalala). 12:00am na pero di parin ako makatulog, asar parin siguro ko dahil natalo yung manok ko sa Survivor.

1:00am parang inuugoy nako sa ulap, alam ko malapit nakong mahimbing sa pagkakatulog pag ganito na ang pakiramdam, pero teka bakit parang may gumigising sakin? “Tutoy, Tutoy gising hinihingal daw ang Tatay!”, Naalimpungatan ako, di ko nga man lang nagawang icheck kung may muta ako at di ko narin pansin kung ano yung suot ko takbo lang ako bigla sa bahay ng mga Nanay (bahay ng lola ko.) Pag dating ko dun nakaupo sa sofa ang tatay (lolo ko) hinihingal nga sya. Naiisip ko: Diba kakalabas lang nito sa ospital? Sabi ng doctor ok na sya ah?,Bakit ganito? Di na ganong nagsink in yung mga sumunod na nangyare (medyo naging histerical na kasi ang mga tao sa paligid) basta ang alam ko lang eh kailangan kong sumama sa ambulansya, teka sino bang tumawag ng ambulansya? Isa pang malaking problema eh medyo may kalakihan yung lolo ko, pano namin sya bubuhatin? Minsan ay may tulong din pala ang pagkakaroon ng mga adik na kapitbahay, kahit hating gabi na eh nasa labasan lang sila lagi; in short yung mga adik sa labasan eh yung tumulong samin sa pagbuhat ng lolo papunta sa ambulansya. Sa loob ng ambulansya nagsasalita yung lolo ko, pero teka bakit wala man lang oxygen sa loob ng ambulasya na to? Nak ng pating nga naman! Di ko na ganung inintindi kung anu yung sinasabi ng lolo ko, sa loob-loob ko kasi eh pwede naman nyang ulitin yun sa ibang araw pag ok na yung pakiramdam nya.Huminto na yung ambulansya, nagulat ako, teka ang alam ko eh sa Nazarenous yung ospital ng lolo ko eh bakit dito kami huminto sa Polo emergency?

Binaba na ang Tatay, bagamat sa Nazarenus dapat ang pumunta naming (emergency situation daw kasi kaya dapat sa emergency hospital kami haha, ang totoo eh napressure din kasi yung driver kaya sa pinakamalapit na ospital kami dinala), Teka bakit di ako makatayo? Nangangalay ba ako? Ilang minute lang naman yung byahe naming ah!? “Toy baba kana” narinig ko,pinipilit kong bumababa pero bakit di ko maihakbang yung mga paa ko, parang nasa buwan yung pakiramdam ko? Ang bigat ng bawat mga hakbang ko. Pagpasok ko sa loob ng ospital nakahiga na ang tatay, naka oxygen na sya, pero bakit hinihingal parin sya? Maya-maya lumapit yung mamang mukhang hudlom (pero yung totoo eh, doctor pala sya dun) may hinanap syang gamot, ang akala ko naman eh sa mercury drugs pa bibilin yung gamut kaya hinanap ko yung wallet ko, maalala ko naman eh nakapantulog pa pala ko kaya malamang eh wala akong dalang wallet. Bumalik ako sa loob ng ospital, nagulat ako nung may gamot ng tinuturok sa Tatay parang bale wala rin pala kung sakaling nakarating ako ng botika dahil may gamot naman pala sa pharmacy nila. Dun ko naisip na sana nursing o medical technology nalang yung kinuha kong course parang napakatanga ko kasi nung time na yun ni hindi ko man lang masabi kung may mali naba sa ginagawa sa lolo ko , atleast kung medically enclined yung course ko eh makakatulong pa ko kahit papano, napaka hopeless talaga ng pakiramdam ko nung time na yon.
Pagkatapos turukan ng kung ano mang gamot ang Tatay, bumagal na yung hingal nya , medyo natuwa ako kasi akala ko ok na. Nagawa ko ng lumibot ng tingin sa loob ng Polo emergency, sa kabilang kama eh may matandang hinihika din naisip ko: “Kawawa naman yung matanda parang di aabot bukas”. Pero digital talaga ang karma, pagkaisip ko palang nuon eh parang nag-iba yung mukha ng tatay, natawa pa ko nung una kasi parang nag muk-asim sya, pero hindi pala, para bang sumenyas lang sya na “Tutoy ito na ang simula, kaya kung pede eh tumatag ka”.

Dumami yung nurse sa kama ng Tatay, parang scene sa pelikula, di naman pala ganun kalakas yung reflex kapag kinukuryente na yung mga pasyenteng 50/50 na. Exagerated lang talaga yung mga artista kapag umaarteng mamamatay na. Halos isang oras na yung mga nurse sa paggawa ng kung anu man yung mga madalas makita sa mga teleserye kapag nagrerevive ng buhay, halos wala parin akong maisip na reaction, pinipilit ko lang maging poker face di rin naman kase ko pede umatungal sa harap ng lola ko dahil baka lalo lang lumaki ang problema. Maya-maya pa eh tila napagod na ata sila, nakita ko rin na parang humina na yung heart rate ng Tatay, lumapit yung doctor sakin, … Teka bakit sya sakin lumalapit? Di naman ako ang asawa ah? Nanlamig ako sa sumunod na sinabi ng doctor: “Alam mo boy, ala na kasi ang lolo ngayon yung makina nalang na yun yung nagpapahinga sa kanya maliit nalang rin yung tsansa na makakarecover pa sya, kung susuwertehin man eh malamang vegetative state nalang sya kaya ngayon nasa inyo nalang yan kung itutuloy pa yung pagrevive o hindi, teka wala naba kayong ibang kasama ng lola mo?” Sa isip-isip ko: “Ano naman kaya ang inaasahang sagot ng doctor na to galling sakin? Ano kaya ang mabuting kong gawin? Di ba pede pause muna para di ako magkamali ng mga gagawin?” Lumapit ako sa lola ko nakaupo lang kami; di ko alam yung gagawin, naisip ko na kunwari nalang eh wala namang sinabi yung doctor hangang… “Parang wala na yung Tatay mo,”sabi ng nanay. Dun na ko tinamaan ng todo , kaya naman lumabas muna ko para tawagan kuno yung mga tita ko. Sa may pinto ng ospital kinuha ko yung cp ko, di ko na naisip na mukha na kong tanga sa harap ng ilang tricycle drivers dun pinilit kong di maging panget habang umiiyak(galling diba? At nakuha ko pang isipin yung image ko nung mga pagkakataong yon hehe) sakto naman na may free 20 minutes call yung unli ko kaya nakatawag ako sa tatlong tita ko. Di ko rin naisip kung pano ko sila nakausap nung time na yon, basta parang planado na rin yung mga pangyayare na kahit mga 2:30 na ng umaga eh gising parin sila nung tumawag ako, basta ang alam ko lang eh nasabihan ko sila puntahan ako doon sa ospital.
4:00am narealize ko na mali pala yung mga tinawagan ko kasi yung mga kamag anak naming nasa malayo yung mga pinapunta ko sa ospital at yung mga taga-Malanday ay di ko pala natawagan  (Sayang!, bakit ba kasi may expiration yung unli eh). Umupo lang ako sa tabi ng Nanay, nasa harap namin ang Tatay, pareho kaming di nagsasalita habang hawak niya yung kamay ng tatay, di ko rin alam kung ano yung sasabihin, basta naiisip ko nalang na gusto kong maging doctor(pero pano naman kaya? Eh magstart na nga kong ojt bilang teacher sa susunod na Lunes?). Ang bigat ng feeling nung oras na yun, at nilalamig na rin ako gawa ng nakashorts at t-shirt lang ako. Gusto ko sanang ako nalang ang magtuloy ng pagrerevive sa Tatay kaso nga lang eh wala talaga kong alam sa field na to!. Sa sobrang kaba ay di ko na kinaya ang tensyon, buti nalang at malinis ang cr sa ospital! (di ko na pedeng ielaborate yung ginawa ko sa cr kakahiya eh). Saktong paglabas ko ng cr eh dumating na yung mga tita, dun na kami nilapitan ng doctor na sumaside line din palang ahente ng mga punerarya, sila na ang nag-usap ng tita ko gawa ng tinatanggal na namin yung ibang mga nasa bulsa ng Tatay. Isang ligther,rosary, mga susi, candy, sigarilyo at pera , yan ang mga nakuha namin sa bulsa nya, napaisip ako ulit…”Di ba gabi na kanina? Bakit ang dami pang laman ng bulsa ng tatay? San naman kaya nya balak dalin tong mga to?” Di parin nagsasalita ang Nanay , kala ko nga eh sobrang tatag nya nung mga time na yon; kaya naman medyo napahanga pa ko sa tapang nya, kala ko din eh tanggap na nya kaya di sya ganong umiyak. Hanggang ilabas na ang Tatay, kala ko eh tapos na ang eksena namin dun (so naghanda na kami for next location), biglang lumapit yung isang nurse na may inaabot na bill na worth three thousand plus(imagine ang mahal pala magshot ng eksena sa ospital! halos isang libo ang bayad kada oras) .

Pinauwi na kami ng tita ko, kami lang ng Nanay yung umuwi gawa ng dideretso daw sila sa punerarya, nagjeep nalang kame pauwi gawa ng isa lang naman ang sasakay. Pagbaba sa may kanto ng Malanday ay di na kami nagpedicab, lumakad lang agad ang Nanay, (feeling ko nga ay ako si Milo nung ancient time, yung mensahero ng mga Greek) bawat maksalalubong namin eh parang namamagnet ng lola ko. “Wala na yung Tatay mo”yun lang yung magic word tapos eh susunod na yung mga sinabihan nya samen pauwe. Hanggang makarating kami sa bahay, wala pa palang idea ang lahat kung ano ang nangyare(kasalanan ko yunkasi di ko nga pala sila na text o natawagan) kaya para kaming naghatid ng bomba sa bahay; madaming ingay yung bumalot sa bahay ng mga nanay, hanggang sa pumasok na ang nanay sa loob ng bahay…sa may sofa na may damit pang pinagpalitan ng Tatay… sa may lamesa na may isang piniritong malaking galunggong pa na wala pang bawas…kwarto nila na nakasabit pa ang kulambong dapat sanay magkasamang tutulugan nila…Kasabay ng pagsikat ng bagong araw nung mga oras na yun eh tila ipininta rin ng langit ang mga susunod na mga eksenang di lahat ng tao ay magnanais na kalahukan.


“CUT! ...good take! Pack-up na tayo.”