“ANG PAGTATAPOS”
Pete
Cayzhart B. Arcenal . LPT
Umiikot ang tao
sa mundong ginawang may balanse. Bagamat unti-unti nang nagawan ng tao ng
paraan upang maikubli ang balanseng ito upang paboran ang ilang mga pampersonal
na interes, tunay na di makakailang lumilitaw parin ang totoong halaga ng mga
bagay-bagay pagdaan ng panahon. Sinong may higit na superyoridad upang ariing
siya ang makapaglalahad ng kung ano ang tama sa mali kung ang lahat sa atin ay
may mabigat na argumentong nagkukubli sa ating mga pansariling baling
paniniwala? Ito ay isang palalahad ng masalimuot na siklo ng kamalian at
kabutihan, isang karanasang maglalabas ng mga pagkakataong kinakailangang
mamili, isang istoryang pilit na lang sanang ikinukubli.
Alas
kwatro ng umaga, tulad ng dati ay nauna nanaman akong magising kaysa sa
pagtunog ng alarm clock na isinet ko ng alas kwatro. Payapa ang lahat, sa
ganitong mga pagkakataon ay pakiramdam ko’y pansamantalang nabubura ang lahat
ng bigat na mayroon sa mundo, namamahinga ang lahat pati na ang mga problemang
araw-araw na humahabol sa akin, sana’y ganito nalang ang buong araw, sanay
ganito nalang. Tulad ng dati, kinakailangan kong makaalis ng bahay bago ang alas singko, magbasa ng kaunti at
maghanda ng maibabaong pangnahalian para sa trabaho. Ganito ang simula ng
araw-araw ko mula Lunes hangang Sabado. Sa trabaho, tila magandang pampalubag
loob at pampagaan ng pakiramdam ang paulit ulit na pagbati ng “Magandang Araw”
ganito sila madalas kahit doon sa isa kong trabaho. Oo, dalawa ang trabaho ko,
sa umaga mula alas sais hangang alas onse ay nasa Maynila ako nagtatrabaho at
pagdating ng alas dose hangang alas sais ng gabi ay nasa Bulacan naman ako.
Mula sa oras ng aking trabaho ay madaling mamabatid kung anung pinagkakaabalahan
ko sa araw-araw; isang trabahong punung-puno ng mataas na espektasyon,
moralidad at obligasyon; isang hanapbuhay na naglalagay sa akin sa gitna ng mga
matang tila ba’y nagaantay lamang mga pagkakamaling aking gagawin.
Sa
totoo lang, ay hindi ko naman dapat sana kinakailangang pumasok sa dalawang
trabaho; wala pa naman akong asawa, at wala rin naman akong gaanong
pinakakagastusan. Nagkataon lang na nung nakaraang taon kasi ay nadiagnos ng
sakit sa kidney si tatay, kinailangan nyang huminto sa trabaho at magpagamot sa
doctor ng regular. Bilang ako nalang ang walang sariling pamilya sa aming
magkakapatid, ako na rin ang naatangan ng obligasyon upang pangalagaan sina
tatay at nanay. Medyo mahal ang pagpapagamot ni tatay kung kaya naman kailangan
kong magdoble kayod upang makaraos kami. Oo, nakakapagod ang byahe ko sa araw,
nakakaubos ng lakas ang mga gawiin ko sa aking trabaho subalit ang mas malaking
nagpapahirap sa aking sa bawat araw ay ang makitang unti-unti ng ginugupo ng
karamdaman ang haligi ng aming tahanan.
Nitong
mga huling taon ang di makakailang nakaapekto na ito sa aking propesyon,
maraming mga di magandang komento ang naibato sa akin sa kabila ng mas maraming
pagkakataong pinilit kong maging mabuti sa aking trabaho. Narayang mabansagan
akong “Palitaw” ng aking mga kasamahan dahil sa dalas kong lumiban sa trabaho,
madalas din akong mabigyan ng memo dahil sa maraming pagkakataong nahuli ako sa
oras ng pagpasok sa trabaho, masabon ng aming Superior dahil sa di pagpapasa ng
Lesson Plan at maeskandalo ng mga katrabaho dahil sa ilang mga utang na hindi
na nagawang bayaran. Marahil ay ako na yung tipikal na stereotype ng teacher na
nababasa ng karamihan sa mga tabloid, baon sa utang, di magkandaugaga sa
paghanap ng sideline at madalas na nakasangla ang ATM sa mga loan sharks. “Ayos
lang ito” madalas na pagkumbinsi ko sa aking sarili, para mairaos ang lahat ng
pangangailangan namin sa bahay ay maliit na sakripisyo lamang ang mga ito. Kaya
ko pa naman, kaya ko pang lunukin at magbingibingihan sa lahat ng mga lait at
pangmamatang madalas kong natatanggap.
Nitong
mga nakaraang buwan na marahil ang pinakamahirap na pagkakataon para sa akin.
Halos apat na libo nalang ang sinasahod ko sa isang buwan, nagkasamaan na kami
ng loob ng aking mga katrabaho dahil sa utang na di mabayaran, ni hindi na ako
makakuha ng maayos na marka sa performance rating dahil sa dami ng trabahong di
nagawa at halos di na rin ako makapagcomply sa mga forms na kailangan naming
ipasa ukol sa aming trabaho. Literal na nalunod sa sistema, nawalan ng gana at
halos nawalan na ng kwenta. Pero ang isa talaga sa mga labis na nakasakit sa
akin nitong mga nakaraang buwan ay ang tila pagsampal sa akin ng katotoohanan
ukol sa kung papaano na ako tignan ng aking mga magaaral. Bagamat meron pa rin
namang mga naunang batch ng aking mga estudyante ang patuloy na nakakaalala ng
aking galing sa pagtuturo at buti bilang isang guro, tila mabilis naman itong
nabura at binigyan ng bagong mga deskripsyon ng mga nagdaang panahon. “Tamad
yan magturo, Wala yang pakialam sa mga estudyante nya, Nanghuhula lang yan ng
grade, at higit sa lahat … “KURAKOT ang teacher na yan” ito ang mga katagang
mabilis na naiukit sa akin bilang isa guro , malayo sa pakakakilala sa akin
noong mga unang taon ko sa pagtuturo. Marahil ay sadyang natutunan naman ang lahat ng bagay, natutunan ko ng maging
bingi sa mga bulong bulangan tungkol sa
akin, sa mga pagkakataong nagagamit ang pangalan ko bilang halimbawa ng mga
gurong madalas mangolekta ng pera sa aking mga magaaral, isang gurong laging
huli sa klase, isang gurong nanghuhula na lang ng marka ng aking mga magaaral,
isang gurong mahilig manakit ng mga magaaral at madalas mareklamo ng mga
magulang, isang gurong madalas masabihang: “Ano ba yan bakit naging teacher pa
yang tao na yan?”. Ito na marahil yung isa sa pinakamabigat na bitbitin ko sa
araw-araw na kailangan kong dalhin habang pinipilit na magpatuloy sa buhay.
Kailangan ko parin magpatuloy, ano man ang mangyari ay papsok parin ako sa
trabaho, hindi ako hihinto, hindi ako magpapaapekto, kailangan kong gawin ito…
Kailangan… Hindi ako maaring huminto. Bagamat halos kainin na ako ng lupa sa
bawat pagkakataon may maririnig akong mga magulang na masayang
pinagtsitsismisan ang aking mga kamalian, pinipilit ko paring pumasok sa
trabaho. Kahit pa halos hindi na naniniwala ang mga estudyanteng kaharap ko sa
loob ng klase sa mga bagay na ibinabahagi ko sa loob ng room ay papasok pa rin ako. Kahit pa paulit
ulit akong isuka ng propesyong ito, ay patuloy ko paring ikikiclaim na “Teacher
Ako!”… hindi man ako ang depinisyon ng propesyong ito, naniniwala parin akong
para parin sa akin ang mga katagang ito: “Teacher Ako!”.
Hindi
ko alam kung anong meron sa araw na ito pero tila ba’y napakaespesyal ng araw
na ito para sa akin. Maliwanag ang buong paligid at payapa ang lahat,
makakaamoy ka ng mga mababangong bulaklak sa paligid at tila ba’y wala problema
ang lahat. Narinig ko ang mga kasamahan ko sa trabaho na pinagkukwentuhan kung
papaano ako nakapagpanalo ng mga estudyante namin sa isang National
Competition, nakakatuwang marinig sa kanila kung papaano ako nagpamalas ng
galing sa pagbabago ng buhay ng ilang mga kabataang hindi ko sinukuan, mga
kabataang minsan kong inaring akin, tinulong sa maliit na paraan at binago ang
buhay at nabigyang direksyon. May ilang mga magulang din akong nakitang
nagtsitsismisan; di tulad ng dati, ang paksa ng kanilang mga usapan ay kung
papaano ako nakatulong sa kanilang mga anak, may ilang pagpapasalamat para sa
mga pagkakataong naipadama ko sa kani-kanilang mga anak ang pag-unawang higit
pa sa propesyon ko sa pagtuturo. Sadyang nakakapanibago. Maya-maya pa’y may
napansin akong mga pamilyar na mga mukha; “Sila De Guzman na ba iyon?” isang
grupo ng mga pormal na kalalakihang mahahalata mong may sinasabi na sa lipunan,
may maayos na trabaho at magaganda ang buhay. Punong-puno sila ng pagpapasalamat
at nag-abot din ng tulong para sa pagpapagamot ng aking ama. Marami silang mga
kwento ukol sa kung ano-ano mga bagay ang madalas nilang ginagawa sa klase ko,
pag mamalaking parte daw ako ng kung ano mang buhay ang meron sila ngayon,
nakakatuwa, kahit papaano ay naramdaman kong may tama parin naman pala akong
nagawa sa mundo… nakakatuwa. Nais kong lumuha dahil sa tuwa pero dahil sa di ko
alam na rason eh tila walang lumalabas na luha sa aking mga mata, gusto kong
isigaw ang aking pasasalamat sa kanila pero hindi ko na rin nagawa. Maya-maya pa’y
may mga grupo naman ng estudyante akong nakita, tila malulungkot ang mukha nila
at ang iba’y umiiyak pa nga. Teka… hind ba’t advisory class
ko ang grupo ng mga kabataang iyon? Pero bakit sila umiiyak? Bakit tila
sobrang lambing at ang babait nila ngayon? Bakit ngayon ko nakitang kahit
papaano’y nauuwaan din naman pala nila ko ako? Hindi ko maipaliwanag kung ano
nga ba ang mayroon sa araw na ito tila ba sobrang espesyal ng araw na ito para
sa akin, punong puno ng papuri, pasasalamat at pagtatangi ang araw na ito.
Gusto kong umiyak at suklian ang lahat ng kanilang mga mabubuting salita, gusto
kong ipaliwanag na kailangan man may di ako nagtanim ng galit sa bawat
pagkakataong mas nakikita nila ang mga bagay na hindi ko nagawa kaysa sa mga
nagawa ko na, gusto kong sabihin sa kanila na isa sila sa mga naging dahilan ng
aking lakas sa araw-araw, na kung hindi dahil sa mga di magagandang komento
nila ay hindi ako magkakaroon ng rason para magpatuloy sa buhay… gusto kong
sabihin sa kanila ang lahat ng ito pero hindi ko nagawa.
Isa
lang ang nabatid ko sa araw na ito, walang tunay na buti sa mundo. Mas una parin
nating makikita ang isang mali sa gitna ng isang libong tama. Mas inuuna nating
ang paghanap ng mga wala kesa sa pagkilala sa mga mayroon. Mas nagiging mapang-unawa
lamang tayo kapag huli na at wala ng pagkakataon. Sayang lang, huli ko ng
nalaman ang sikreto para marinig ang mga gusto kong marinig, para punan ang
aking mga pagkukulang… para magmukhang tama ang aking mali. Itong malapad na
salamin lang pala sa ibabaw ng aking mukhang ang makapagpapabago ng lahat,
magpupuno sa akin ng papuri sa kabila ng aking kawalan na ng kakayahang
magsalita at muling masilayan ang mabubuti nilang gawa.