“Ano bang gusto mong
maging?”
Nakakatuwang isiping sa simpleng tanong na ito lang pala mabubuhay
ang pagnanais kong maging bata muli. Hindi makakaila na kapag ang isang musmos
ay tinanong mo ng mag katagang iyan ay walang kagatol gatol silang
makapagbibigay ng sagot. Nariyang magiisip sila ng propesyong palasak na
narinig nila sa iba… Doktor, Pulis, Titser, Abogado o di kaya nama’y engineer.
May ilan din na sasagot na gusto nilang magiing katulad ng isang personalidad,
sikat na artista , magagaling na atleta o di kaya naman ay yung mismong mga
magulang nila.
Naalala
ko pa noon, mga dalawang taon palang ata ako noon sa elementarya, kapag may
nagtatanong sa akin kung anong gusto kong maging ay isa lamang lagi ang aking
sinasagot … MAGING SCIENTIST yun
tulad ng mga napapanood ko sa T.V. May
malaking laboratory, nagsasaliksik at
nakakaimbento ng kung ano-ano. Halos anim na taon ko ring pinananghawakan ang pangarap
na yon, pero sa kung anong dahilan ay kada umilipas ang panahon ay unti-unti
ring humihina ang pagsagot ko sa mga tao na gusto kong maging Scientist,,,
hanggang sa tuluyan ko na nga syang binitiwan, noong Grade 6 ako, hindi ko na
ninais na maging Scientist. Wala naman kasi kaming pampagawa ng laboratory,
hindi kami ganun kayaman para maipagawa iyon, hindi rin naman ganung
pangmalakasan yung talino na meron ako para makagawa ng mga bagay na di kayang
gawin ng iba. Wala kaming maraming pera. Iyan marahil yung pinakamalaking
dahilan na nagbukas sa mga mata kong di pala lahat ng gusto ay pupwede, hindi
pala lahat ng kayang gawin ay para sayo… kaya ng tinanong muli ako kung anong
gusto kong maging? Iba na ang lumalabas
sa aking mga labi: “Gusto ko maging Engineer! Isang magaling at mayamang
engineer!” Dala na rin marahil ng kagustuhan kong makapaguwi ng maraming pera
sa aking mga magulang kaya patuloy kong kinunbinsi ang aking sarili na ito na
ang gusto kong maging… gusto kong maging engineer… dapat ay maging engineer
ako. Habang nasa highschool ay pinilit ko talagang gawin ang lahat upang maging
kwalipikado ako sa kursong Engineering, ginalingan ko sa Math pati na sa
Science tinuruan ko rin ang sarili kong matutong magdrawing dahil walang
engineer ang hindi marunong gumuhit. Magiging engineer ako, magpapayaman at
tsaka ko nalang iisipin ang mga gusto kong gawin pag mayaman na ako. Isang
perpektong plano marahil.Bago ako makatapos ng highschool ay madalas akong
nagkakasakit sa kung anong dahilan, may mga pagkakataong halos di ako mabuo ng
isang Linggo sa aking mga klase dahil sa dalas kong magkasakit. Habang nasa
isang klinika, napaisip akong muli, “kung isa lang akong mayamang engineer
papaano ko naman kaya matutulungan ang sarili ko ganitong mga pagkakataon?
Papaano ko malalaman na tama ang mga ibinibigay na gamut sakin sa tuwing may
sakit ako? Papaano kaya maililigtas ng pera ng isang engineer ang mga taong
mahahalaga sa akin na may sakit?” Dali-dali akong bumuo ng desisyon. Hindi na
ako magiging mayamang engineer! Mamaging magaling na Doktor ako … isang doctor
na kayang pangalagaan ang kanyang sarili sa oras na magkakasakit sya, datapwat
hindi parin naman nawawala sa isip kong kapag naging Doktor ako ay kikita parin
naman ako ng sapat na pera para gawin ang lahat ng gusto ko kapag Doktor na
ako. Mabuti nalang at hindi naman ako gaanong tamad sa pag-aaral, ayos parin
naman ang mga grado ko, sapat para na kahit papaano ay makakuha ako ng
Scholarship para magpatuloy sa pagaaral (dahil sa alam ko na hindi kami ganun
kayaman para mag-aral sa kolehiyo ng walag ayuda).
Hinigpitan
ko ang hawak sa ambisyong ito. Magiging Doktor ako! Pagkaraan ng isang markahan, Magiging Doktor …ako…!,
dumaan pa ang isang markahan at mas humina pang lalo ang sigaw ng pagnanais
kong maging Doktor. Hanggang sa napalitan na nga ito ng “Magiging Doktor pa nga
ba ako?”. Buwan iyon ng Marso, iyon yung panahong labis kong napagtanto na mali
pala yung laging tinatanong ng mga nakatatanda sa akin,,, hindi pala dapat “Ano
ang gusto kong maging?”, kundi ano ang kaya kong maging. Noong mga panahong
iyon ko lang narasan ang sobrang pagkainggit, bakit sa kabila ng matataas na
grado na aking pinaghirapan ay hindi ko pa rin magagawa o maipagpapatuloy man
lang ang mga bagay na nais kong gawin. Nakakalungkot totoo. Hindi ko lang
marahil matanggap na hindi ako kasing swerte nung iba may pagkakataong mamili.
Bakit yung bida sa mga teleserye eh ang problema lang ay kung anong kursong
kukunin? Bakit ang problema lang nila ay kung bakit sila magsishift sa Fine
Arts at titigil ng pagmemedicine (isang eksena sa komersyal ng McDonalds) bakit
pagdating sakin ay walang ganun? Bakit sa amin ay walang naman palang
pagpipilian? Gaya ng dati ay bibitiwan ko nanamang muli ang aking mga naunang
sagot sa “Kung ano bang gusto mong maging?” hindi na ko magiging Scientist,
hindi na ako mageengineer, hindi na rin magdodoktor. Hindi dahil sa hindi ko
gusto pero dahil hindi naming kaya… HINDI KO PALA KAYA, bagkus ay isa nalang
ang gusto kong mangyari. “Gusto kong makatapos ng pag-aaral!” hindi na ako
magbibigay ng kung sa anong kurso basta gusto lang makatapos ng kolehiyo sa ano
mang possible paraan na kaya kong gawin. Swerte parin naming maituturing dahil
hindi naman naging masyadong maramot sakin ang tadhana, nagkaroon naman ko ng
pagkakataong makatapos ng kolehiyo ng wala ganoong naging epekto ang kawalan
namin ng maraming pera. Sa wakas! Nakatapos na rin ako! Mayroon na kong
diplomang nagpapatunay na nakatapos ako ng kolehiyo… ito ang gusto kong maging…
makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo… ito na yon… ang gusto kong maging… ito
na nga ba iyon?
Tutad
ng isang barkong walang kapitan, tila nagkandaligaw ligaw ako sa laot ng
mabangis na daigidg matapos kong makatapos ng kolehiyo, laging binabalikan ang
mga tanong kung ano na nga ba ang nangyari sa dating batang gustong maging
Scientist…Mayamang Engineer… at Magaling na Doktor. Ano na nga ba ang naging
ako? Ito na nga ba ang gusto kong maging? Kamakailan lang napagtanto ko kung
bakit madalas na nagtatanong o naghahanap ang karamihan ng mga tao, “Pakiramdam
ko kasi ay may kula pa sakian”, “Sa tingin ko’y may hinahanap akong iba”,
“Parang hindi na ako masaya”. Dahil sa di maubos ubos na kagustuhan ng mga tao
ay madalas tayong humahantong sa paghahanap ng dahilan kung bakit wala tayo ng
mga nais natin, madalas na bumubuo ng mga tanong kung bakit hindi natin ito
nakukuha pagkat iyo na marahil ang pinakamadali o pinakawais na gawin. Puros
katanungan, pagsisisi at kawalan ng aksyon ito lamang ang madalas nating
panghawakan, dahil madali,walang hirap bagamat walang kasiguraduhan. Katulad ng
dati, ngayong medyo may edad na ako ay naibang muli ang aking kasagutan sa
tanong na “Anong gusto mong maging?” tuluyan ko ng nilimot ang dating akong
nangangarap na maging Scientist…Mayamang Engineer… at Magaling na Doktor.
Bagamat may trabaho naman ako at tapos ng kolehiyo ay alam ko parin sa aking
sarili na hindi pa ito yung hinahangad kong “Maging” bagamat matanda na ko;
kaakibat na rin marahil ng pagtanda ang paghahangad ng mas payak na mga bagay
sa daigdig. Wala na kong propesyong hinahangad na pasukan, hindi na ako
nagnanais mapunta sa katayuan nino man,
isa nalang marahil ang gusto… “Ang maging MASAYA”. Sa hinaba haba ng pagpapalit
isip ko sa katanungang ito, isang bagay marahil ang lagi kong nakakalimutang
gawin gaya ng ibang tao. May nagsabi sakin noon, isang guro, na kaya raw
maraming tao ang nagkakamali sa buhay o maski na sa isang simple tanong na
isang pagsusulit ay dahil madalas nating inuuunang isip ang sagot sa isang
tanong kesa bigyang tuon ang mismong tanong.
Mapanlilang ang tanong na “anong
gusto mong maging?” Pinipilit tayo nitong maghangad ng mga bagay na wala sa
atin, Binubuhay nito ang ating kagustuhang baguhin ang daigdig kung saan tayo
nakatindig, Nagbibigay ito ng pagkakataong makaramdam tayo ng inggit at
pagkasawi, Binubuksan ang ating mga mata sa matatayog na ilusyon at ambisyon
(bagamat hindi ito mali), ngunit ang totoo nama’y sinusukat lamang ng tanong na
ito ang kasalukuyang estado mo sa daigdig ang kakayahang maniwala sa kung anong
mga kaya mong gawin at magpatuloy sa kabila ng tila di pag-unlad ng iyong mga
gawi. Bagamat sadyang di makakaila na malaki ang panghihinayang ko sa makailang
ulit kong pagbitiw sa mga bagay na ninais kong maging, wala na rin naming
mababago kung patuloy kong hahanapin kung saan na napunta ang mga kagustuhang
iyon, ay pipilitin ko na lamang magpatuloy. Magpatuloy sa walang hanggang
paghanap ng kasiyahan, magpatuloy na mabigay katuparan sa naisin ng iba. Wala
naman talagang nagnakaw ng aking mga pangarap, wala ring dapat sisihin kung
bakit sila biglang nawala, tunay na magnanakaw nito ay mismong ating mga
sarili, ang kawalan ng pag-asang magagawa mo ito at pagpapasyang bitiwan ang
mga ito. Sa huli, tunay ngang darating ang isang umaga kung kailangan magnanais
kang magsimula ng ibang bagay at bumuo ng mga bagong balak sa buhay; at
padumating ang araw na ito, walang duda; hindi mo na nanaising matulog muli
dahil sa panaginip mo na lamang makikita ang dating ikaw.
No comments:
Post a Comment