Sunday, April 8, 2018

Sulit ni Ako Kay Ikaw



Hoy, Ikaw:

"PINAPALAYA NA KITA, MAGHIWALAY NA TAYO!"

Medyo hipokrito mang pakinggan eh, sadyang masaya talaga ako sa paghihiwalay na ito. Kagaya ng mga dating ng mga hiwalayan na akin nang naranasan, tanging ngiti at pag-asa lamang ang pinanghahawakan na darating parin ang panahong babalik ka rin sa akin na hindi na ang dating ikaw. Mas maayos, masaya at matagumpay na ikaw. Sana nga. alam ko namang hindi gaanong kaganda ang una nating pagsasama, kahit sino naman siguro'y matatakot sa responsibilidad kung kaya mali man ay nasa pangarap ko na ang hiwalayang ito sa simula palang. Mali pero totoo. Hindi ko rin inakalang magiging masaya ang ating pagsasama sa pagdaan ng mga araw. Unti unti mo akong tinuruang magpakita ng malasakit. Pinakita mo sa akin ang saya sa mga pagkakataong tayo'y magkasama. Ginawa mo akong tao uli. Pinatawa, pinaiyak at pinakaba; tunay ngang natatangi ang ating pagsasama. Halos sabay nating binuo ang ating mga pangarap, bagamat di kaila na mas marami ang mga pangarap ko sa iyo kaysa para sa aking sarili. Mga pangarap na sa ating dalawa ay tila ako lang naman talaga ang naniniwala. Ako ang gumawa at ako lang rin ang nagpapakita ng pagkukusa.

Ilang beses na rin akong napuyat at nagkasakit ng dahil sayo, nageefort sa kung ano anong bagay na ang laging ending naman ay di mo pinapahalagahan, binabalewala at kung minsan pa’y sinisira. Mabanggit ko lang din yung ilang beses na mas inuna kita kesa sa sarili kong pamilya, yung imbes na nasa bahay na sana ako at nagpapahinga ay pinipili ko paring dalawin ka at kung minsan pa’y nakikigulo sa mga isyu ng iyong pamilya. Ilang beses na nga ba akong naglabas ng pera para sa relasyon nating dalawa? Yug tipong kahit piso pinilt kong wag kang pagbayarin para walang masabi ang mga tsismosa. Gayun pa man hindi naman sa gusto kong pagbayarin ka, ginawa ko naman iyon ng buong malasakit at pagsinta. Marahil tanga nga sa tingin ng iba, nakapagaral pa naman daw ako sabi pa ng iba. Well, ganung siguro talaga, kasi nga minahal na rin kita. Ilang beses man nilang sabihing pagmamay ari ka ng iba. Ilang beses mang kutsain dahil sa sobrang malasakit na pinakita, anong magagawa ko kung ito sakin ang nagpapaligaya, pero sana bago tayo tuluyan ng hindi magkita ay baunin mo sana ang aking sampung “SANA”…

Sana wag ka ng tatanga tanga: Matalino ka! Ewan ko ba kung bakit hindi mo nakikita. Maraming ka nga alam na gawin na ayaw mo lang linangin. Sana sa muli nating pagkikita eh lahat na sana ng talent mo ay nadiscover mo na.

Sana wag kang tumigil: Sa lahat ng pagkakataong panghihinaan ka ng loob, alalahanin mo lang na lagi akong proud sayo. Kahit san ka man makarating, pangako ko’y sa lahat ng kasawian at tagumpay mo’y aariin ko rin na parang akin, kaya tumuloy ka lang, mangarap hanggang sa ninanais mo’y makarating. Habang ako ay nakatanaw sa malayo’t patuloy kang sinasamahan sa tingin.

Sana’y lagi kang maging masaya: Kung ano mang kahinatnan ng mga minsang pinangarap natin, isa lang ang laging dasal ko, at iyon ay ang kasiyahan mo. Hayaan mo na ang pride ko, basta ang alam ko’y kapag masaya ka ay OK na rin ako.
Sana’y mga pagkakamali mo’y di na ulitin pa: Umayos ka! Hindi ko katulad ang lahat ng tao sa mundo na may gamilyang pasensya. Hindi lahat ng tao ay pipiliting humanap ng buti sa iyong pagkakamali, hindi lahat ay magpapatawad tuwing ika’y magkakamali kaya’t sa kung ano mang paraan ay piliting bawasan ang mga pagkakamali.

Sana’y lagi kang paring magmalasakit sa iba: Tumulong ka rin sana hangga’t may pagkakataon. Tumulong kahit walang nakatingin, tumulong ng walang hinihinginng kapalit ni isang kusing.

Sana’y mga pangako mo’y tuparin: Ok, ihuli mo na ang mga pinangako mo sa akin, pero sana ay gawin ang lahat upang mga pangako mo sa sarili’y at mga gusto sa buhay ay marating.

Sana ay di ka magbago: Umaasa parin akong muling makikita ang dating ikaw sa hinaharap, bagamat tila imposible, gusto ko paring maramdaman ang inosente at busilak na kasiyahang ating minsang pinagsaluhan. Ating unang pagkikita ay tunay na di malilimutan.

Sana kayanin ko ring magpatuloy: Hindi ko alam kung magiging sing saya parin ng dati ang mga susunod na panahon lalo pa’t alam kong ika’y wala na roon. Sana ay kayanin ko paring magpatuloy at di madikit sa nakaraan, pagkat alam kong sa akin ay di lamang ikaw ang may kailangan.

Sana ay wag mo na akong balikan. Kailan man ay hindi ko hinangad na ibalik mo ang ano mang aking ibinigay. Minsan na rin akong nabigyan, kaya’t maaari bang wag na sakin ibalik ang mga  nabigay, bagkus ay ipasa ito sa iba at bumago ng ibang  buhay. Lagi mong tandaan na sa buhay, kapag tumulong ka’y dapat walang kapalit na hinihintay.

Sanay na ako sa ganito: Wag mo na akong pilit na lingunin, wag mo na rin sana masyadong isipin, pansamantalang iwanan ang kahapon, pagkat mas kailangan ka ng ngayon. Ayokong  ako pa ang maging dahilan kung bakit mga pangarap mo ay di makakamtan. Isa pa, taon taon naman talaga kaming iniiwan, ng mga bata minsan naming minahal, mga batang binahagian ng mga aral, mga batang madalas na pumupuno ng aming dangal. Iwan mo ako’t tagumapy mo ay ang aking laging dasal.

“Muli, binabati kita!. Ito na marahil ang pinakamasayang PAGTATAPOS. Labyu”.



Hanggang sa muli,
  
Ako    


           


Ano Bang Gusto Mong Maging?


“Ano bang gusto mong maging?” 

                     Nakakatuwang isiping sa simpleng tanong na ito lang pala mabubuhay ang pagnanais kong maging bata muli. Hindi makakaila na kapag ang isang musmos ay tinanong mo ng mag katagang iyan ay walang kagatol gatol silang makapagbibigay ng sagot. Nariyang magiisip sila ng propesyong palasak na narinig nila sa iba… Doktor, Pulis, Titser, Abogado o di kaya nama’y engineer. May ilan din na sasagot na gusto nilang magiing katulad ng isang personalidad, sikat na artista , magagaling na atleta o di kaya naman ay yung mismong mga magulang nila.

                      Naalala ko pa noon, mga dalawang taon palang ata ako noon sa elementarya, kapag may nagtatanong sa akin kung anong gusto kong maging ay isa lamang lagi ang aking sinasagot … MAGING SCIENTIST  yun tulad  ng mga napapanood ko sa T.V. May malaking  laboratory, nagsasaliksik at nakakaimbento ng kung ano-ano. Halos anim na taon ko ring pinananghawakan ang pangarap na yon, pero sa kung anong dahilan ay kada umilipas ang panahon ay unti-unti ring humihina ang pagsagot ko sa mga tao na gusto kong maging Scientist,,, hanggang sa tuluyan ko na nga syang binitiwan, noong Grade 6 ako, hindi ko na ninais na maging Scientist. Wala naman kasi kaming pampagawa ng laboratory, hindi kami ganun kayaman para maipagawa iyon, hindi rin naman ganung pangmalakasan yung talino na meron ako para makagawa ng mga bagay na di kayang gawin ng iba. Wala kaming maraming pera. Iyan marahil yung pinakamalaking dahilan na nagbukas sa mga mata kong di pala lahat ng gusto ay pupwede, hindi pala lahat ng kayang gawin ay para sayo… kaya ng tinanong muli ako kung anong gusto kong  maging? Iba na ang lumalabas sa aking mga labi: “Gusto ko maging Engineer! Isang magaling at mayamang engineer!” Dala na rin marahil ng kagustuhan kong makapaguwi ng maraming pera sa aking mga magulang kaya patuloy kong kinunbinsi ang aking sarili na ito na ang gusto kong maging… gusto kong maging engineer… dapat ay maging engineer ako. Habang nasa highschool ay pinilit ko talagang gawin ang lahat upang maging kwalipikado ako sa kursong Engineering, ginalingan ko sa Math pati na sa Science tinuruan ko rin ang sarili kong matutong magdrawing dahil walang engineer ang hindi marunong gumuhit. Magiging engineer ako, magpapayaman at tsaka ko nalang iisipin ang mga gusto kong gawin pag mayaman na ako. Isang perpektong plano marahil.Bago ako makatapos ng highschool ay madalas akong nagkakasakit sa kung anong dahilan, may mga pagkakataong halos di ako mabuo ng isang Linggo sa aking mga klase dahil sa dalas kong magkasakit. Habang nasa isang klinika, napaisip akong muli, “kung isa lang akong mayamang engineer papaano ko naman kaya matutulungan ang sarili ko ganitong mga pagkakataon? Papaano ko malalaman na tama ang mga ibinibigay na gamut sakin sa tuwing may sakit ako? Papaano kaya maililigtas ng pera ng isang engineer ang mga taong mahahalaga sa akin na may sakit?” Dali-dali akong bumuo ng desisyon. Hindi na ako magiging mayamang engineer! Mamaging magaling na Doktor ako … isang doctor na kayang pangalagaan ang kanyang sarili sa oras na magkakasakit sya, datapwat hindi parin naman nawawala sa isip kong kapag naging Doktor ako ay kikita parin naman ako ng sapat na pera para gawin ang lahat ng gusto ko kapag Doktor na ako. Mabuti nalang at hindi naman ako gaanong tamad sa pag-aaral, ayos parin naman ang mga grado ko, sapat para na kahit papaano ay makakuha ako ng Scholarship para magpatuloy sa pagaaral (dahil sa alam ko na hindi kami ganun kayaman para mag-aral sa kolehiyo ng walag ayuda).

                  Hinigpitan ko ang hawak sa ambisyong ito. Magiging Doktor ako! Pagkaraan  ng isang markahan, Magiging Doktor …ako…!, dumaan pa ang isang markahan at mas humina pang lalo ang sigaw ng pagnanais kong maging Doktor. Hanggang sa napalitan na nga ito ng “Magiging Doktor pa nga ba ako?”. Buwan iyon ng Marso, iyon yung panahong labis kong napagtanto na mali pala yung laging tinatanong ng mga nakatatanda sa akin,,, hindi pala dapat “Ano ang gusto kong maging?”, kundi ano ang kaya kong maging. Noong mga panahong iyon ko lang narasan ang sobrang pagkainggit, bakit sa kabila ng matataas na grado na aking pinaghirapan ay hindi ko pa rin magagawa o maipagpapatuloy man lang ang mga bagay na nais kong gawin. Nakakalungkot totoo. Hindi ko lang marahil matanggap na hindi ako kasing swerte nung iba may pagkakataong mamili. Bakit yung bida sa mga teleserye eh ang problema lang ay kung anong kursong kukunin? Bakit ang problema lang nila ay kung bakit sila magsishift sa Fine Arts at titigil ng pagmemedicine (isang eksena sa komersyal ng McDonalds) bakit pagdating sakin ay walang ganun? Bakit sa amin ay walang naman palang pagpipilian? Gaya ng dati ay bibitiwan ko nanamang muli ang aking mga naunang sagot sa “Kung ano bang gusto mong maging?” hindi na ko magiging Scientist, hindi na ako mageengineer, hindi na rin magdodoktor. Hindi dahil sa hindi ko gusto pero dahil hindi naming kaya… HINDI KO PALA KAYA, bagkus ay isa nalang ang gusto kong mangyari. “Gusto kong makatapos ng pag-aaral!” hindi na ako magbibigay ng kung sa anong kurso basta gusto lang makatapos ng kolehiyo sa ano mang possible paraan na kaya kong gawin. Swerte parin naming maituturing dahil hindi naman naging masyadong maramot sakin ang tadhana, nagkaroon naman ko ng pagkakataong makatapos ng kolehiyo ng wala ganoong naging epekto ang kawalan namin ng maraming pera. Sa wakas! Nakatapos na rin ako! Mayroon na kong diplomang nagpapatunay na nakatapos ako ng kolehiyo… ito ang gusto kong maging… makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo… ito na yon… ang gusto kong maging… ito na nga ba iyon?

                Tutad ng isang barkong walang kapitan, tila nagkandaligaw ligaw ako sa laot ng mabangis na daigidg matapos kong makatapos ng kolehiyo, laging binabalikan ang mga tanong kung ano na nga ba ang nangyari sa dating batang gustong maging Scientist…Mayamang Engineer… at Magaling na Doktor. Ano na nga ba ang naging ako? Ito na nga ba ang gusto kong maging? Kamakailan lang napagtanto ko kung bakit madalas na nagtatanong o naghahanap ang karamihan ng mga tao, “Pakiramdam ko kasi ay may kula pa sakian”, “Sa tingin ko’y may hinahanap akong iba”, “Parang hindi na ako masaya”. Dahil sa di maubos ubos na kagustuhan ng mga tao ay madalas tayong humahantong sa paghahanap ng dahilan kung bakit wala tayo ng mga nais natin, madalas na bumubuo ng mga tanong kung bakit hindi natin ito nakukuha pagkat iyo na marahil ang pinakamadali o pinakawais na gawin. Puros katanungan, pagsisisi at kawalan ng aksyon ito lamang ang madalas nating panghawakan, dahil madali,walang hirap bagamat walang kasiguraduhan. Katulad ng dati, ngayong medyo may edad na ako ay naibang muli ang aking kasagutan sa tanong na “Anong gusto mong maging?” tuluyan ko ng nilimot ang dating akong nangangarap na maging Scientist…Mayamang Engineer… at Magaling na Doktor. Bagamat may trabaho naman ako at tapos ng kolehiyo ay alam ko parin sa aking sarili na hindi pa ito yung hinahangad kong “Maging” bagamat matanda na ko; kaakibat na rin marahil ng pagtanda ang paghahangad ng mas payak na mga bagay sa daigdig. Wala na kong propesyong hinahangad na pasukan, hindi na ako nagnanais mapunta sa katayuan nino  man, isa nalang marahil ang gusto… “Ang maging MASAYA”. Sa hinaba haba ng pagpapalit isip ko sa katanungang ito, isang bagay marahil ang lagi kong nakakalimutang gawin gaya ng ibang tao. May nagsabi sakin noon, isang guro, na kaya raw maraming tao ang nagkakamali sa buhay o maski na sa isang simple tanong na isang pagsusulit ay dahil madalas nating inuuunang isip ang sagot sa isang tanong kesa bigyang tuon ang mismong tanong. 

                         Mapanlilang ang tanong na “anong gusto mong maging?” Pinipilit tayo nitong maghangad ng mga bagay na wala sa atin, Binubuhay nito ang ating kagustuhang baguhin ang daigdig kung saan tayo nakatindig, Nagbibigay ito ng pagkakataong makaramdam tayo ng inggit at pagkasawi, Binubuksan ang ating mga mata sa matatayog na ilusyon at ambisyon (bagamat hindi ito mali), ngunit ang totoo nama’y sinusukat lamang ng tanong na ito ang kasalukuyang estado mo sa daigdig ang kakayahang maniwala sa kung anong mga kaya mong gawin at magpatuloy sa kabila ng tila di pag-unlad ng iyong mga gawi. Bagamat sadyang di makakaila na malaki ang panghihinayang ko sa makailang ulit kong pagbitiw sa mga bagay na ninais kong maging, wala na rin naming mababago kung patuloy kong hahanapin kung saan na napunta ang mga kagustuhang iyon, ay pipilitin ko na lamang magpatuloy. Magpatuloy sa walang hanggang paghanap ng kasiyahan, magpatuloy na mabigay katuparan sa naisin ng iba. Wala naman talagang nagnakaw ng aking mga pangarap, wala ring dapat sisihin kung bakit sila biglang nawala, tunay na magnanakaw nito ay mismong ating mga sarili, ang kawalan ng pag-asang magagawa mo ito at pagpapasyang bitiwan ang mga ito. Sa huli, tunay ngang darating ang isang umaga kung kailangan magnanais kang magsimula ng ibang bagay at bumuo ng mga bagong balak sa buhay; at padumating ang araw na ito, walang duda; hindi mo na nanaising matulog muli dahil sa panaginip mo na lamang makikita ang dating ikaw.