Friday, May 18, 2012

Poisonous Do Not Read....(Nakamamatay Wag Basahin)


May makapagsasabi kaya kung saan matatagpuan ang mga piping kasagutan ng buhay? Paano kaya mabibigayan ng wakas ang bawat kasawian kung ang bawat kabanatang natutuldukan ay naghuhudyat ng panibagong kabiguan? Pano ba tunay na mabibigyang lunas ang isang karamdamang tila wala namang lunas? Isang karamdamang tila sumpang unti unting kumikitil sa isang buhay na tila puno ng kagandahang hiram.
Madalas kong itanong dati sa sarili ko kung kelan kaya ako matatapos sa lahat ng assignments at project sa school. Isang walang muwang na kathang tila ba nagsasabi na ang buhay ay kasing dali lang ng pagsagot sa ilang nakasaad na mga katanungan sa workbook ng isang elementary student. Buhay na mahahalintulad sa isang librong parating inaabangan ang katapusan sa huling pahina nito.

Sa pagdaan ng panahon na wari bang nilalapit ako sa takdang huling pahina; nalungkot lang ako. Nalungkot dahil ang inakala kong huling pahina ay isang bintana lang pala tungo sa isang mas makapal na mga kabanata pang dapat ko ring pagdaanan. Kinambalan pa ng takot ang lungkot na lumukob sakin. Di ko na ata alam ang dapat kong puntahan. Hindi na. Hindi ko akalain na aabot ito sa ganito, isang tumatanda ng batang kabayong pangakera.

Sa pagpapatalo ko sa tangkot ng reyalidad ay inagos ako ng panahon sa malaking lubak, lubak na di ko na ata kaylan mga maaalpasa. Piliin ko mang managhoy ng tulad sa bawat serye sa telebisyong aking nasubaybayan, mali pa rin ako hanggang sa huli. Di tulad ng seryeng pang katha ay di matatapos sa kasiyahan at pagkakaayos ng lahat ang mundong gingalawan ko sa ngayon. Di tulad ng mga seryeng may takda ng wakas sa bawat script na laan dito, ang buhay na minsan kong iginuhit na nananatili paring nakatiwangwang ang katapusan.

Paano nga ba magandang lakipan ng katapusan ang buhay na aking sinimulan? Pipiliin ko ba yung cinematic na huling paaalam o mananatili sa isang payak at konbensyonal na katapusan? Narito ang ilang eksenang naisip ko para sa aking katapusan: 1.Mamamatay sa sakit – dahil medyo may kahinaan ang pangangatawan ko,inaashan ko nang ito yung finale na nakalaan sakin. Nakaratay sa higaan habang pinalilibutan ng mga kaanak na aking pinatawag; iiyak ang mga kamag-anak sa aking likuran dala ng hawag sa kinasapitan ko at takot na rin na mapgdaanan ang eksenang pinagbibidahan ko; at sabay  sasariwain ang mga kabutihang aking nagawa na tila isang banal na walang kasalanang nagawa.Bidang-bida ang datingan ko dito diba?  2.Self service death –isang hindi magandang ideya. Isa sa pinakaduwag na pagkatha ng wakas, boring kung isasapelikula dahil walang ibang kasama. Masasakatan ka, magsisisi at luluha ng mag-isa. Kung isasapelikula ay kawawa lang ang artista, dahil sa malamang eh manuyot na sya sa kakabungkal ng emosyong sya lang ang magtatamasa. 3. Mamamatay sa tapik ng tadhana –ito na ata ang isa sa pinaka magandang ideya na maari kong imungkahi para sa pagpapaalam. Maraming pagpipilian sa katapusang ito pwedeng pangmaramihan at pede ring isahan; pwedeng gawing dalawahan para romantic o di kaya naman medyo karumal dumal o di kaya naman eh yung medyo tragic. Kung susuwertihin pede pang may kalakip na Burial Package yung ganitong katapusan lalo na kung sa malalaking kompanya gaganapin ang mga eksena.Halimbawa na kung mamamatay ka dahil sa pakaipit sa escalator ng SM malls, o di kaya naman eh mapofood poison ka habang nakasakay sa eroplano ng Cebu Pacific o di kaya naman eh kung mababagsakan ka ng mga ataol na nakadisplay sa Funeraria Paz.  4. Redanduncy –isang melodramatic na ideya, ilang beses na pinopromote na mageending ka na pero di sinasadyang magkakaroon ka pa ng makailang ulit na sequel na daig pa ang istorya ng Harry Potter. Nakikiusong ideya dahil sa panahon naman tayo ng unlimited ngayon dib a? Dahil nga sa haba ng dapat sana’y huling kabanata na ito ay maski yung mga taong dapat sanay makakakuha ng award winning scene for their dramatic performance eh mawawalan na ng ganang maglabas ng luha at emosyon sa lamay mo.  5. Miteryosong huling kabanata- kung isasapelikula, ito na siguro yung pinaka-tatabo sa takilya. Isang wakas na nangangailangan ng madugong brainstorming; pwedeng ibitin ang ilan kasagutan para sa mga katanungang tulad ng : Sya ba talaga ito? (dahil nasunog o di kaya naman eh din a makilala ang katawan ng namatay), Hindi kaya buhay pa sya? (dahil di naman nakita ang katawan ng namatay, pwedeng inanod sa estero o di kaya naman  nahulog sa eroplanao), May foul play kaya dito? (dahil sa hindi masiguro kung self service ang eksena o di kaya naman ay nagpaplanuhan lang talaga ng masuhay ng mga assasin) at Ito na ba talaga ang katapusan? (dahil patuloy pa rin ang pagpaparamdaman ng bida sa katapusan,pwedeng humihingi ng tulong o di kaya nama’y mayroon pang unfinished business kuno). Ilang lang to sa mga ideyang pinagisipan ko ng minsang maisip ko kung panu kaya kung maging sikat na tao ako?Paano kung may isang loko-lokong makaisip na mag-aksaya ng ilang milyon para isapelikula ang buhay ko? Pano nila isasapelikula yung buhay ko?

Sa katunayan ay hindi parin ako desidido kung sa panung paraan ko tatapusin ito. Marahil ay magandang tapusin ito sa pag-iisip ng isang magandang titulo para sa huling eksenang pagbibida ko. Ano nga kaya? “Isang paglalakbay ng isang bangkang papel sa kumukulong pool ng arnibal”..hmm ang tutuo ay marinigan na ko ng kahawig na titulong ganito at medyo nagandahan ako kaya eto medyo ginagaya ko lang ngayon,  di kaya ako mademanda ng pladyerismo nito? Pwede rin namang “Ang Maambisyong Paglipad ng Tutubing Karayom sa isang Five Star Hotel” hindi naman kaya masyado yong mahahaba kung ganitong titulo ang gagamitin ko? Baka naman  mahal yun pag pinagawan ng tarpaulin? Hmm… marahil ay pwede na rin ang “Z” bilang titulo tutal naman iyon din ang letrang pinakahuli sa ating alpabeto. O di kaya naman ay.

Anu pang hinihintay mo? Tapos na nga di ba? Tinapos na ng tuldok. Kuha mo?

Wednesday, May 2, 2012

Mga Lumang Bago (Mga Tagpi tagping Resiklo)

"Mabuti pa pag bata masaya.... kapag may problema ang takbo ay kay ina,,, sabi nga sa isang kanta."


Pilitin ko mang limutin at magpatuloy sa pagpapanggap na kaya kong iguhit ang takbo ng buhay ko sa kung anong hubog na naisin ko itong pangarapin,  tila hinihila pa rin ako ng pagkakataon sa puntong ako’y muling hahantong sa isang desisyong na magbibigay sakin ng kawalan ng pagpipilian. Oo, bagaman alam ko sa salita at katha ang guhit ng buhay na gusto kong patakbuhin, ngunit ang malaking suliranin  kung papaano akong magsisismula sa pagguhit nito. Ngayo’y wari mong nakatiwawang na binhi sa tigang na punla, umaasang madadampian ng ginhawang papawi sa aking uhaw mula sa ulang hindi naman alam kung kalian magsisismula, nagaantay sa hangin magdedisisyon kung sa anong landas ang aking patutunguhan o di kaya’y sa mismong lupang kinatatayuang walng kasiguruhan. Pano nga kaya yayabong ang binhi ng kawalang pakialam? May pagkakataon kaya akong umasa  sa mga prutas o bulaklak man lang mula sa binhi ng hindi kasiguruhan.

Happily ever after, mukhang sa fairy tales ko lang na talaga yun maririnig.Kung sa bagay mas masahol pa yata sa kahit anong love story ang kailangan kong pagdesisyonan. Kung tutuusin, hindi naman na sana aabot sa ganito ang istoryang aking iginuguhit ngunit dahil na rin sa kawalan ng magaling na director na akin sanang ginagampanan ng buong husay,eto’t hindi mabigyan ng magandang dyastipikasyon ang estoryang ito.

Ngayo’y muling dumarampi sa bawat buton ng makinilya ang bawat daliring tila napipilitan lamang gumawa ng isang bagay na kaunting makakabawas ng kalituhan ng isang pipityuging mangangatha. Tila hindi gumagana ng tama ang kaliwang bahagi ng aking utak, bagamat hindi rin ko sigurado kung sa kaliwang bahagi ba talaga ng utak ko ang diperensya base sa mga pinag-aralan ko nuon. Hahaha, tila nadala na rin ako sa binuo kong pagpapanggap bilang madunong na Homo sapiens. Akala ko’y sapat ng makuntento sa mga patakip butas kong pagresolba sa mga kinailangan kong mga pagsosolusyon, datapwat hindi man lamang ako naglaan ng panahon upang silipin at pag-isipan man lamang ang bawat bagay bagay. Bakit kaya hindi kayang magawang lahat ng parang bumubuo ka lang ng lego blocks ang lahat ng mithiin mo sa buhay.