Saturday, April 5, 2014

PNU nga ba ang daan?

“Isang pagkakataon kung saan ang lahat ng tama ay unti-unting nag-iiba ng mukha at nagiging mali. Pagkakataon kung kelan lahat ng iyong pinapangarap at inaasam ay tila ba'y nagiging pansariling bangungot nagugustuhin mong takasan."

Hindi ko alam kung dala lang ba ito ng natural na takot para sa mga unang pagkakataong gagawin natin ang mga bagong bagay, o isang katibayan lamang na hindi ganoon katindi ang tiwala ko sa aking sarili at magiging sa mga bagay na pinaniniwalaan ko.

Habang nasa harap ng cashier ng isang unibersidad, hindi ko maipaliwanag kung bakit tila baa yaw kong iabot yung hawak kong limang libo sa teller. Hindi naman sa wala akong tiwala sa teller na yon, pero parang nagflashback kasi lahat ng pinagdaanan ko noong araw na yon bago ko pa maabot yung mismong harapan ng cashier na yon. Yung pagpila ko sa baba palang ng LRT 1 para lang makasakay, pagsiksik ng sarili ko sa sobrang sikip na tren para lang maka-usad sa destinasyon ko , paglalakad sa ilalim ng matinding sikat ng araw, pasagot ng maraming forms, pagkagulat sa mga nakakalulang mga subjects na ngayon ko lan narinig, at sobrang takot dahil sa sobrang pressure at stress na dala ng lugar na iyon.


Sa huli ay napilitan din akong bitiwan ang perang hawak ko dahil yung teller na mismo ang kumuha nito sa kamay ko. Nakakatakot din yung tunog ng prnter nung resibo, parang paulit-ulit nitong sinasabing heto na ang simula handa ka naba?! (tapos parang bumilis yung takbo ng isip ko at napuno ng mga options na tila sinasabi saking batuhin ko yung printer para di matapos yung papiprint ng resibo ko at ng makapag-isip pa ako)... pero sa huli eh wala parin akong nagawa lumabas parin yung resibo, at sinampal sa akin ang malaking salitang nakacapslock pa: ENROLLED! (napaisip pa ko kung tama ba spelling nila pero dahil gutom at pagod na ko noong mga oras na iyon ay pinili ko nalang umuwi na ng bahay para doon ko na pagmunihan yung ginawa kong move noong araw na yon).

"Dahil ako'y nabubuhay sa isang mundong hindi ginawa sa lawa ng arnibal, hinubog ng panahong puno ng pait at halos sa lasa'y kulang,natutong mabuhay sa mundo na pasulong at hindi paurong. Sa ngayon, walang magagawa kungdi tiisin ang mapait na lasang sinusuka ng iba upang sa huli ay ang akin namang mundo ang mapuno ng matamis na lasang kailan man at di matitikman ng iba!"

Wednesday, April 2, 2014

Palaruan sa Loob ng Utak ko (Halika Laro Tayo!)

"Nakasabit sa isang lumang jeepney na punong-puno ng mga pasahero, mga nakakandong na bata, timba ng isda at ilang plastic ng mga tinapay." Pauwi sa bahay dahil inabot na ng tanghalian sa pinuntahan... wala na dapat akong gawin sa pagsapit ng hapon... gaya ng dati tulad ng mga taong nakapaligid sa akin doon"
"Lukot-lukot na ang kanina'y plansyado kong damit, amoy pawis na ang katawang pinahidan ng pabango at nahiihilo na dahil sa tindi ng init at halo-halong amoy ng ibat' ibang tao."

"Pilit na humahanap ng mga taong iniisip kong tuturuan, madalas na umaasang may darating na bubuhay sa hilig kong makipagtunggalian; isang batang susubok sa akin at magdadala sa akin sa pansariling pag-unlad; nangangarap na minsan ay darating ang araw na nakakagawa ako ng pagbabagong hindi nagawa ng mga taong nilamon na ng kawalang gana at konbensyonalidad"

"Napapagod sa mga bagay na wala naman talagang mabigat na halaga, umaangal sa mga gawaing kung tutuusin ay madali lang naman talaga... unti-unting naluluma, lalulusaw at tila ba'y utak ko'y nagsasabaw."

"Bumubuo ng mga pangarap para sa iba na akala ko'y pagdating ang araw ay magiging bagay na sa hinaharap ay ikokonsidera nila, gusto-gusto ko nang ipahiram minsan ang sariling utak upang maunawaan nila ang mga bagay na hindi nila nakikitang mahalaga"

"Nagagalit sa mga pagkakataong namamaliit ngunit wala ka namang magawa dahil ang isyu dito'y hindi na lamang ako bagkus ang pangkalahatang gawa ng bawat isa."

"Pinipigil ang nagsusumigaw na kagustuhang manguna sa paggawa ng lihis sa mga nakasanayan na; Iniipon ang pag-asang sa darating na mga panahon sisibol din ang mga taong tutulong sa akin na pagtulak ng pagiging iba."

"Halos tamarin na sa paggawa, pagpaplano at pagiisip na darating ang panahon para sa amin; Pagbabago hindi lamang sa akin bagkus sa bawat isa sa amin"

"Hindi ko alam kung hanggang kailan ako dapat kumapit sa mga bagay na ito; pero pilit kong papasanin ang mga pagbabagong ito hanggang ako'y narito (Pero hanggang kailan ko kaya matatagalan ang ganito?); Mangiinis ng mga taong napatulog na ng kawalang gana; Mang-aaway ng mga taong sa pagtulong at pagbabago ay walang pakikibaka."

"ANG LAKAS KO!, kapag ako'y nandito sa loob ng isip ko. Pero kapag sa totoo na'y wala na akong reklamo... sumusunod sa mga taong nagpapakaAMO,, pinagmumukhang matalino ang mga taong nuknukan naman ng BOBO."