"Nakasabit sa isang lumang jeepney na punong-puno ng mga pasahero, mga nakakandong na bata, timba ng isda at ilang plastic ng mga tinapay." Pauwi sa bahay dahil inabot na ng tanghalian sa pinuntahan... wala na dapat akong gawin sa pagsapit ng hapon... gaya ng dati tulad ng mga taong nakapaligid sa akin doon"
"Lukot-lukot na ang kanina'y plansyado kong damit, amoy pawis na ang katawang pinahidan ng pabango at nahiihilo na dahil sa tindi ng init at halo-halong amoy ng ibat' ibang tao."
"Pilit na humahanap ng mga taong iniisip kong tuturuan, madalas na umaasang may darating na bubuhay sa hilig kong makipagtunggalian; isang batang susubok sa akin at magdadala sa akin sa pansariling pag-unlad; nangangarap na minsan ay darating ang araw na nakakagawa ako ng pagbabagong hindi nagawa ng mga taong nilamon na ng kawalang gana at konbensyonalidad"
"Napapagod sa mga bagay na wala naman talagang mabigat na halaga, umaangal sa mga gawaing kung tutuusin ay madali lang naman talaga... unti-unting naluluma, lalulusaw at tila ba'y utak ko'y nagsasabaw."
"Bumubuo ng mga pangarap para sa iba na akala ko'y pagdating ang araw ay magiging bagay na sa hinaharap ay ikokonsidera nila, gusto-gusto ko nang ipahiram minsan ang sariling utak upang maunawaan nila ang mga bagay na hindi nila nakikitang mahalaga"
"Nagagalit sa mga pagkakataong namamaliit ngunit wala ka namang magawa dahil ang isyu dito'y hindi na lamang ako bagkus ang pangkalahatang gawa ng bawat isa."
"Pinipigil ang nagsusumigaw na kagustuhang manguna sa paggawa ng lihis sa mga nakasanayan na; Iniipon ang pag-asang sa darating na mga panahon sisibol din ang mga taong tutulong sa akin na pagtulak ng pagiging iba."
"Halos tamarin na sa paggawa, pagpaplano at pagiisip na darating ang panahon para sa amin; Pagbabago hindi lamang sa akin bagkus sa bawat isa sa amin"
"Hindi ko alam kung hanggang kailan ako dapat kumapit sa mga bagay na ito; pero pilit kong papasanin ang mga pagbabagong ito hanggang ako'y narito (Pero hanggang kailan ko kaya matatagalan ang ganito?); Mangiinis ng mga taong napatulog na ng kawalang gana; Mang-aaway ng mga taong sa pagtulong at pagbabago ay walang pakikibaka."
"ANG LAKAS KO!, kapag ako'y nandito sa loob ng isip ko. Pero kapag sa totoo na'y wala na akong reklamo... sumusunod sa mga taong nagpapakaAMO,, pinagmumukhang matalino ang mga taong nuknukan naman ng BOBO."
hahaha gusto ko yung huling parte ng blogpost na ito :)
ReplyDeleteparang bugtong ang mga linya, pero nakaka-relate naman ako
go lang ng go! hehehe :)