Thursday, December 13, 2012

Lingahan, Malanday : The Best Place on Earth !?


Nung bata pa ako, akala ko ay ang lugar na naming ang pinakaperfect na tirahan sa buong Valenzuela. Kakilala mo ang lahat ng tao, simple lang ang buhay at walang pressure ang bawat isa pa pamumuhay. Hindi ko iniisip noon na aalis ako sa lugar na ito, sino nga naman ang gugustuhing malayo sa kani-kanilang “Comfort Zone” dib a? Tama nga sila na maraming pagbabago ang iginuguhit ng paglipas ng panahon, yung tipong hihilingin mo nalang na sana constant na lang ang lahat para lagi mong makikita ang lahat ng bagay sa paligid mo kung pano mo sila madalas maimagine. Kung dati ay napakasimple ng buhay ng mga tao sa paligid namin, well hindi na sa ngayon! Ewan ko ba parang natulog lang ako ng sandali at biglang sa ibang lugar na agad ako nagising, narito ang ilang scenario sa lugar naming sa ngayon na minsan kong tinawag na “Comfort Zone” kuno:

1.Takbuhang Walang Hanggan- Never naging boring ang buhay sa lugar namin, kung dati ay nanghahabol na aso lang ang dahilan kung bakit kailangan mong tumakbo para sa buhay mo ngayon ay iba na talaga ang mundo.Marami nang naiisip na rason ang mga taga-rito samin para maeexercise ang kani-kanilang running skills. MERALCO! Yan ang madalas na hudyat ng takbuhan, di ko alam kung pano nangyari ang lahat, pero nagising nalang ata ako bigla na yung metro nalang namin ang natitirang nakakabit sa poste ng MERALCO! Buhay nga naman. Ang mga sumunod na dahilan ay sadyang rated SPG, di ko rin kasi alam kung bakit sa haba-haba ng panahon eh ngayong era pa na to nabuhay ang mga dugong hudlom ng mga taga-samin hahaha, buti nalang at nakapagpabakuna ata yun nanay ko kaya di kami ganong nahawa sa kanila . (di ko na ieelaborate to gawa ng SPG nga kasi :P)

2. Melodramatic na mga Tagpo- Kung sa mga istoryang pang teleserye lang eh sadyang di mauubusan ang mga tagarito samin nyan. Nandyang magkabuhol-buhol na ang mga Family Tree ng mga kapitbahay namin gawa ng kanilang literal na patong-patong at masalimuot na mga relasyon! Yung tipong di mo na nga maiisip kung ano ba dapat ang tawag sa relasyon ng bawat isa dahil yung kapatid mo sa ina ay nagiging ama ng anak mo na nagiging asawa naman ng kapatid ng asawa mo na kapatid mo rin sa ina. Taray diba!? Ayaw na ata kasi nilang ikalat ang kani-kanilang mga genes kaya within the circle lang pede ang heredity. Nandyan pa yung mga climatic na mga tagpo na kung saan ka makakarinig ng mga pamatay na linya! Sa mga panahong to mo marerealize na dapat pala ay di kayo nauubusan ng pop corn sa bahay para pag may mga ganitong events ay uupo ka nalang habang sumusubo ng pop corn na parang nasa sinehan kalang.

3. Mga Maboteng Usapan- Dahil anti Sin Tax Bill nga ang mga tao dito samin ay di naiiwasan ang lingguhang parties, kahit nga yung pagka-knock out ni Pacquaio ay nagagawa parin nilang paraan para makainom sila ng alak. Pero hindi naman talaga yun ang concern ko dito kung di yun mga ginagawa nila on and after the inuman session. Bukod sa pagkanta ng Lupang Hinirang sa Videoke at pagfefeeling diva ng mga party people, ang mga umaatikabong labasan ng sama ng loob ang mas exciting maexperince dito samin after ng mga sessions. Sadyang buwis buhay yung ilang mga tagpo after ng mga inuman sessions nandyang may sumusugod dala ang kani-kanilang armas tulad ng samurai (mga feeling rorounin warriors’ kasi) para lang manindak ng mga kainuman nila, batuhan ng bahay dahil aswang daw yung mga kumpare nila, at higit sa lahat ay mga break down scene na walang sinabi sila Cherie Pie Pichache sa pag-hagulgol ng mga lasenggero at lasenggera samin ^.^

4. Wet Seasons- Tulad ng maraming luagar dito sa Valenzuela, hindi rin nakakaligtas ang lugar namin sa mga libreng patubig na dala ng mga bagyo taon-taon. Nandyang isang buwan mong di maaaninag yung mga kalsada namin dahil di nawawalang tubig baha kahit wala ng ulan. Di mo rin makakalimutan ang mga scenario pagdating ng mga malalakas na bagyo tulad nuong Ondoy, Pedring at nung may malakas na habagat. Biglang nakakaroon ng instant swimming pool sa loob ng mga bahay sa buong compound kaya isang malaking necessity talaga ang pagkakaroon ng second floor. Siguraduhin mo ring handing ang mga muscles mo sa walang humpay na pagbubuhat ng mga gamit ninyo para di mabasa ng baha. Di ka rin maituturing tagarito kung di mo mararanasang maligo sa baha at mangulekta ng mga isdang kataba, gurami,buleg at tilapia nung bata ka pa. Parang nasanay narin naman ang mga tao rito samin dahil pagkatapos naman ng rainy season ay balik na sa normal ang lahat.
P.S May isang common fear ang mga taga-rito samin kapag rainy season, yung eh fear on heavy rains kung ikaw man ay matitira dito samin ay malalaman mo kung ano ang ibig kong sabihin haha :P.

5. Tondo man ay may Langit Din- Sa kabila ng lahat ng kapintasan na mapapansin sa lugar namin, may mga bagay din naman na sadyang dito mo lang sa lugar namin makikita:

                -Strong family bond: dahil sa huli ay kahit anung mangyare ay walang iwanan ang bawat isa sa            hirap man o ginhawa dito samin.
                -Ramdam mo rin yung spirit of oneness dito samin everytime na may okasyon tulad ng fiestas, undas, pasko at bagong taon isama mo pa ang mga birthdays, binyagan, kasal at maging mga       burol.
                -Sadyang mga happy people ang nakapaligid samin, yung tipong nahahanap nila ng rason para   tumawa yung mga pinakasimpleng bagay na makikita nila.
             -Sense of origin: sa totoo lang ay sadya kong siningit ang number na to bilang respeto narin sa    mga ala-ala at experiences na binigay sakin ng lugar namin. Bagamat nahihirapan man ako sa   ngayon maghanap ng mga positibong papuri sa lugar namin, isang bagay naman ang sadyang di            na mababago. Na minsang naging perpekto sa mga mata ko ang lugar na to, at mananatili parin   ang magandang imahe na yon sa isip ko, sa kabili ng mga pagbabagong nasasaksihan ko sa ngayon.


Sunday, December 9, 2012

Price Tag


Minsa’y may isang pera, malutong, bago at malaki ang halaga.
Halagang syang dahilan kung bakit ang bawat isa’y gustong magtago ng isa.
Isang gawaing tila ba’y syang saysay ng buhay at paghahanapbuhay.
Hanapbuhay na tila ba tuksong aking laging nais na iwasan.
Iniiwasan mang pilit ay tila wala namang magagawa kundi humarap sa katotohanang di mabubuhay ng walang pera.
Perang syang naghuhusga at nagtuturing ng kinahantungan.
Kinahantungang tila ba’y mali sa tingin ng karamihan.
Karamihan, ang salitang iniiwasang kabilangan ngunit sayang katotohanan.
Katotohanang di lahat ay nakagagawa ng pagbabago.
Pagbabagong syang nagpapasya kung san patutungo ang isang tao.
Taong wala naman talaga control sa kung anu, paano at sinu-sino ang dapat magdikta ng kung anung uso.
Usong na nagpapabatid ng pangarap at mga kagustuhang nais na maganap.
Na maganap man ay di rin naman  tiyak na guguhit ng ngiti sa isang labi.
Labing ang nais lamang ay di mawalan ng pagkakataong madampian ng mantika ng pagkain sa araw-araw.
Araw-araw na nakikilahok at lumalaban para sa pera.
Perang tila ba’y di nawawala sa uso at di kailangan nawawalan ng halaga.
Halagang mawawala rin naman sa paglipas ng panahon.
Panahong lumuluma at nagpapalimot ng ala-ala.
Ala-alang minsa’y nagkahalaga ang mga bagay na hawak lang ng kamay.
Kamay na nagsisilbing gamit sa pagbuo ng mga pangarap.
Pangarap na minsa’y may isang perang ninanais at hinangad.

Wednesday, December 5, 2012

Anong Role mo sa mga Batch Reunion?


May isang libo at isang  mukha siguro ang maaring pagpilian ng mga studyante pagkatapos nilang tumaggap ng kani-kanilang mga diploma. Iba’t ibang katangiang unti-unting ginuguhit ng mga desisyon ng bawat isa matapos nila makawala sa pagkakagapos nila sa apat na sulok ng paaralan. Iba’t ibang mukhang tila maskarang kanilang dadalhin ng panghabang buhay.

Ang Mga Masukista: Sila yung pinipiling magbalik sa kani-kanilang kulungan (paaralan) para muling bumuno ng ilang taon pang sintensya(in short sila yung mga piniling mag-aral uli). Kung di sila nagiging bahagi ng naturang institusyon ay nagpapataas lang sila ng antas ng mga kaalaman na meron sila, kung may magiging saysay man ito sa huli eh di natin alam.

Ang Mga Manlalayag: Sila yung mga nagkukumahog na makaalis ng bansa, yung tipong di pa nga nakakatanggap ng diploma eh nagaayos na ng visa papuntang ibang bansa. Kadalasan ang mga ganitong klaseng alumni ang maituturing “cream of the crop” sila kasi ang kadalasang nagpapasimuno ng mga reunion gawa ng sila yung maraming pera pagkatapos ng ilang taong pagtatrabaho abroad. Sila yung kadalasang nakakapagpamangha sa mga reunion, yung tipong kahit na yung pinakabobo sa klase ay nagiging superior kapag nakatungtong na sa ibang bansa.

 BOBO: yung mga taong wala pang laman ang utak pero pede pang lagyan anytime
TANGA: yung maraming laman ang utak pero puro mali naman.

Ang Mga First Liners: Ang dahilan ng mga biglaang get together. Sila yung mga nauna na sa pila, in short mga maagang namayapa. Ang advantage lang ng pagiging first liner ay ang pagkakaroon ng pakakataong mapuri ng mga dati niyang kaklase. Yung tipo kahit sya na yung pinakamasamang tao sa classroom nung mga panahon na nag aaral kayo eh parang nagiging mr/ms friendship sya sa araw ng burol niya. Sila yung madalas panghinayangan dahil sayang daw sila lagi, parang mga puno na di man lang nagawang mamunga o di kaya nama’y mga punla di man lang nagawang dumampi sa lupa.

Ang Mga Biggest Losers: Ang mga mahirap halugarin kapag may mga reunion. Sila yung mga napressure masyado sa mga standards na ginawa ng mga tao sa paligid nila, yung tipong halos mabale ang leeg kapag graduation ceremony dahil sa dami ng awards kaso nga lang eh di ganong nagiging matagumpay sa buhay pagkatapos ng pag-aaral. Naubos lang siguro nila ang lahat ng galling nila sa loob ng school kaya ng lumakad na papunta sa reyalidad ay nilamon kaagad ng katotohanan ng buhay. Kung sa mga nakapagkolehiyo eh may dalawang klase ang mga biggest loser, una ay yung mga nangunguna sa klase tapos ay di nakakapasa sa board exam (laking kahihiyan di ba?), at pangalawa ay yung mga dean’s lister na hindi nagiging successful sa kani-kanilang mga career(pede naman kasing yun lang talaga ang goal na gusto nilang maabot selfless contentment kung baga).
“kaya nga minsan ay mas maganda pang maging pinakahuli sa klase para kung sakaling maging magtagumpay ka sa buhay ay sadyang kabibiliban ka, at kung sakaling hindi naman eh expected na naman ng lahat yun kaya mauunawaan ka parin nila”

Ang Mga Magulang: Sila yung mga unang nakakabuo ng pamilya. Ang mga madalas pasimuno ng binyagan at birthday parties, sila ang madalas na maging pattern ng tamang pagpapamilya, yung tipong lagi silang nagiging example ng kahahantungan mo kapag nag-asawa ka ng maaga. Iba’t ibang klase rin ang mga magulang, merong nagkakatulayan at nagiging maayos naman yung buhay (kasi pinag-aaral parin sila sa kabila ng mga nangyari) at meron din namang nagiging single parent (kasi marirealize nila na masyado pa silang bata para magtimpla ng gatas o magpadede ng anak). Gayunpaman advantageous parin naman ang pagiging mga batang magulang dahil sa pagdaan ng mga panahon eh sila pa yung ngakakaroon ng ideal na pamilya kumpara dun sa mga may edad nang nag-asawa.

Ang Mga Loveteams: Sila yung mga nagkakatuyang mga magkaklase. Yung mga maswerteng nakahanap ng kaparehang tila tinadha na para hindi na sila maghanap-hanap pa sa iba.

Ang Mga Pinagpala: Ang stunner ng reunion. Sila yung parang binuhusan ng sandamakmak na swerte sa buong batch. May matagumpay na career, maayos na pamilya, magagandang anak at sandamakmak na options sa buhay. Kung minsan mapapaisip ka rin kung bakit hindi pedeng lahat nalang kayo sa batch niyo ay maging ganito nalang sana, kaso ganun talaga ang buhay eh. Pedeng rag to riches din ang kwento ng mga ganitong tao, yung tipong mga working students sila nung college kayo tapos eh biglang sya na yung lumabas na pinaka-big time sa inyong lahat (though pinagtrabahuhan nya naman lahat ng meron sya kaya di ka dapat mainggit sa kanya dahil deserve nya un ^.^).

Wala naman talagang perfect formula para maassure ang mga patutunguhan na bawat estudyanteng lalabas sa bawat eskwelahan. Ang mahalaga eh kung pano sila makakarating sa kung anung meron sila at kung anung kasiyahan ang matatamo nila sa mga buhay na pinili nilang gampanan. Ikaw ano ang papel mu sa mga reunion? Anong papel ang wish mong gampanan? May papel kabang hindi ko nabanggit sa mga nasa itaas?

Friday, November 9, 2012

11-14-2009:A Walk That I Dont Want to Remember

“And our second sole  survivor is… AMANDA!” , putres nayan! Bakit hindi si Justin ang nanalo sa Survivor Philippines? Ang tanga-tanga naman ng mga castaways na bumoto kay Amanda! Hay, 11:30pm na pala at halos napuyat ako sa walang kwentang Finale na yon. Hmpt.


 
Unli nga pala ako. Gud nyt everyone! Sayang di nanalo si Justin sa Survivor kainis natalaga … Unlang! (Yan yung huling gm ko bago ko humiga kung may nagreply man di ko na maalala). 12:00am na pero di parin ako makatulog, asar parin siguro ko dahil natalo yung manok ko sa Survivor.

1:00am parang inuugoy nako sa ulap, alam ko malapit nakong mahimbing sa pagkakatulog pag ganito na ang pakiramdam, pero teka bakit parang may gumigising sakin? “Tutoy, Tutoy gising hinihingal daw ang Tatay!”, Naalimpungatan ako, di ko nga man lang nagawang icheck kung may muta ako at di ko narin pansin kung ano yung suot ko takbo lang ako bigla sa bahay ng mga Nanay (bahay ng lola ko.) Pag dating ko dun nakaupo sa sofa ang tatay (lolo ko) hinihingal nga sya. Naiisip ko: Diba kakalabas lang nito sa ospital? Sabi ng doctor ok na sya ah?,Bakit ganito? Di na ganong nagsink in yung mga sumunod na nangyare (medyo naging histerical na kasi ang mga tao sa paligid) basta ang alam ko lang eh kailangan kong sumama sa ambulansya, teka sino bang tumawag ng ambulansya? Isa pang malaking problema eh medyo may kalakihan yung lolo ko, pano namin sya bubuhatin? Minsan ay may tulong din pala ang pagkakaroon ng mga adik na kapitbahay, kahit hating gabi na eh nasa labasan lang sila lagi; in short yung mga adik sa labasan eh yung tumulong samin sa pagbuhat ng lolo papunta sa ambulansya. Sa loob ng ambulansya nagsasalita yung lolo ko, pero teka bakit wala man lang oxygen sa loob ng ambulasya na to? Nak ng pating nga naman! Di ko na ganung inintindi kung anu yung sinasabi ng lolo ko, sa loob-loob ko kasi eh pwede naman nyang ulitin yun sa ibang araw pag ok na yung pakiramdam nya.Huminto na yung ambulansya, nagulat ako, teka ang alam ko eh sa Nazarenous yung ospital ng lolo ko eh bakit dito kami huminto sa Polo emergency?

Binaba na ang Tatay, bagamat sa Nazarenus dapat ang pumunta naming (emergency situation daw kasi kaya dapat sa emergency hospital kami haha, ang totoo eh napressure din kasi yung driver kaya sa pinakamalapit na ospital kami dinala), Teka bakit di ako makatayo? Nangangalay ba ako? Ilang minute lang naman yung byahe naming ah!? “Toy baba kana” narinig ko,pinipilit kong bumababa pero bakit di ko maihakbang yung mga paa ko, parang nasa buwan yung pakiramdam ko? Ang bigat ng bawat mga hakbang ko. Pagpasok ko sa loob ng ospital nakahiga na ang tatay, naka oxygen na sya, pero bakit hinihingal parin sya? Maya-maya lumapit yung mamang mukhang hudlom (pero yung totoo eh, doctor pala sya dun) may hinanap syang gamot, ang akala ko naman eh sa mercury drugs pa bibilin yung gamut kaya hinanap ko yung wallet ko, maalala ko naman eh nakapantulog pa pala ko kaya malamang eh wala akong dalang wallet. Bumalik ako sa loob ng ospital, nagulat ako nung may gamot ng tinuturok sa Tatay parang bale wala rin pala kung sakaling nakarating ako ng botika dahil may gamot naman pala sa pharmacy nila. Dun ko naisip na sana nursing o medical technology nalang yung kinuha kong course parang napakatanga ko kasi nung time na yun ni hindi ko man lang masabi kung may mali naba sa ginagawa sa lolo ko , atleast kung medically enclined yung course ko eh makakatulong pa ko kahit papano, napaka hopeless talaga ng pakiramdam ko nung time na yon.
Pagkatapos turukan ng kung ano mang gamot ang Tatay, bumagal na yung hingal nya , medyo natuwa ako kasi akala ko ok na. Nagawa ko ng lumibot ng tingin sa loob ng Polo emergency, sa kabilang kama eh may matandang hinihika din naisip ko: “Kawawa naman yung matanda parang di aabot bukas”. Pero digital talaga ang karma, pagkaisip ko palang nuon eh parang nag-iba yung mukha ng tatay, natawa pa ko nung una kasi parang nag muk-asim sya, pero hindi pala, para bang sumenyas lang sya na “Tutoy ito na ang simula, kaya kung pede eh tumatag ka”.

Dumami yung nurse sa kama ng Tatay, parang scene sa pelikula, di naman pala ganun kalakas yung reflex kapag kinukuryente na yung mga pasyenteng 50/50 na. Exagerated lang talaga yung mga artista kapag umaarteng mamamatay na. Halos isang oras na yung mga nurse sa paggawa ng kung anu man yung mga madalas makita sa mga teleserye kapag nagrerevive ng buhay, halos wala parin akong maisip na reaction, pinipilit ko lang maging poker face di rin naman kase ko pede umatungal sa harap ng lola ko dahil baka lalo lang lumaki ang problema. Maya-maya pa eh tila napagod na ata sila, nakita ko rin na parang humina na yung heart rate ng Tatay, lumapit yung doctor sakin, … Teka bakit sya sakin lumalapit? Di naman ako ang asawa ah? Nanlamig ako sa sumunod na sinabi ng doctor: “Alam mo boy, ala na kasi ang lolo ngayon yung makina nalang na yun yung nagpapahinga sa kanya maliit nalang rin yung tsansa na makakarecover pa sya, kung susuwertehin man eh malamang vegetative state nalang sya kaya ngayon nasa inyo nalang yan kung itutuloy pa yung pagrevive o hindi, teka wala naba kayong ibang kasama ng lola mo?” Sa isip-isip ko: “Ano naman kaya ang inaasahang sagot ng doctor na to galling sakin? Ano kaya ang mabuting kong gawin? Di ba pede pause muna para di ako magkamali ng mga gagawin?” Lumapit ako sa lola ko nakaupo lang kami; di ko alam yung gagawin, naisip ko na kunwari nalang eh wala namang sinabi yung doctor hangang… “Parang wala na yung Tatay mo,”sabi ng nanay. Dun na ko tinamaan ng todo , kaya naman lumabas muna ko para tawagan kuno yung mga tita ko. Sa may pinto ng ospital kinuha ko yung cp ko, di ko na naisip na mukha na kong tanga sa harap ng ilang tricycle drivers dun pinilit kong di maging panget habang umiiyak(galling diba? At nakuha ko pang isipin yung image ko nung mga pagkakataong yon hehe) sakto naman na may free 20 minutes call yung unli ko kaya nakatawag ako sa tatlong tita ko. Di ko rin naisip kung pano ko sila nakausap nung time na yon, basta parang planado na rin yung mga pangyayare na kahit mga 2:30 na ng umaga eh gising parin sila nung tumawag ako, basta ang alam ko lang eh nasabihan ko sila puntahan ako doon sa ospital.
4:00am narealize ko na mali pala yung mga tinawagan ko kasi yung mga kamag anak naming nasa malayo yung mga pinapunta ko sa ospital at yung mga taga-Malanday ay di ko pala natawagan  (Sayang!, bakit ba kasi may expiration yung unli eh). Umupo lang ako sa tabi ng Nanay, nasa harap namin ang Tatay, pareho kaming di nagsasalita habang hawak niya yung kamay ng tatay, di ko rin alam kung ano yung sasabihin, basta naiisip ko nalang na gusto kong maging doctor(pero pano naman kaya? Eh magstart na nga kong ojt bilang teacher sa susunod na Lunes?). Ang bigat ng feeling nung oras na yun, at nilalamig na rin ako gawa ng nakashorts at t-shirt lang ako. Gusto ko sanang ako nalang ang magtuloy ng pagrerevive sa Tatay kaso nga lang eh wala talaga kong alam sa field na to!. Sa sobrang kaba ay di ko na kinaya ang tensyon, buti nalang at malinis ang cr sa ospital! (di ko na pedeng ielaborate yung ginawa ko sa cr kakahiya eh). Saktong paglabas ko ng cr eh dumating na yung mga tita, dun na kami nilapitan ng doctor na sumaside line din palang ahente ng mga punerarya, sila na ang nag-usap ng tita ko gawa ng tinatanggal na namin yung ibang mga nasa bulsa ng Tatay. Isang ligther,rosary, mga susi, candy, sigarilyo at pera , yan ang mga nakuha namin sa bulsa nya, napaisip ako ulit…”Di ba gabi na kanina? Bakit ang dami pang laman ng bulsa ng tatay? San naman kaya nya balak dalin tong mga to?” Di parin nagsasalita ang Nanay , kala ko nga eh sobrang tatag nya nung mga time na yon; kaya naman medyo napahanga pa ko sa tapang nya, kala ko din eh tanggap na nya kaya di sya ganong umiyak. Hanggang ilabas na ang Tatay, kala ko eh tapos na ang eksena namin dun (so naghanda na kami for next location), biglang lumapit yung isang nurse na may inaabot na bill na worth three thousand plus(imagine ang mahal pala magshot ng eksena sa ospital! halos isang libo ang bayad kada oras) .

Pinauwi na kami ng tita ko, kami lang ng Nanay yung umuwi gawa ng dideretso daw sila sa punerarya, nagjeep nalang kame pauwi gawa ng isa lang naman ang sasakay. Pagbaba sa may kanto ng Malanday ay di na kami nagpedicab, lumakad lang agad ang Nanay, (feeling ko nga ay ako si Milo nung ancient time, yung mensahero ng mga Greek) bawat maksalalubong namin eh parang namamagnet ng lola ko. “Wala na yung Tatay mo”yun lang yung magic word tapos eh susunod na yung mga sinabihan nya samen pauwe. Hanggang makarating kami sa bahay, wala pa palang idea ang lahat kung ano ang nangyare(kasalanan ko yunkasi di ko nga pala sila na text o natawagan) kaya para kaming naghatid ng bomba sa bahay; madaming ingay yung bumalot sa bahay ng mga nanay, hanggang sa pumasok na ang nanay sa loob ng bahay…sa may sofa na may damit pang pinagpalitan ng Tatay… sa may lamesa na may isang piniritong malaking galunggong pa na wala pang bawas…kwarto nila na nakasabit pa ang kulambong dapat sanay magkasamang tutulugan nila…Kasabay ng pagsikat ng bagong araw nung mga oras na yun eh tila ipininta rin ng langit ang mga susunod na mga eksenang di lahat ng tao ay magnanais na kalahukan.


“CUT! ...good take! Pack-up na tayo.”

Friday, October 26, 2012

Pakonswelo De Bobo


*** "hey you! why are you englishing me!? do you want me to english? let me show you my englishing skill!"

*** ang blog na ito ay alay sa isang natatanging mag aaral na madalas magbitaw ng mga linya sa itaas , kung sino ka man . alam mo naman pangalan mo diba? ..

*** CLUE: sya yung madalas na napipilitan kong maging katabi sa upuan nung college ^^..

And now lets start the englishing session...

                                                    
“A Spoonful of Overwhelming Momentarily Happiness”

When was the last time that my lips are touched by sweet taste of luck?
That same fortunate time that every aches cradle me and almost leaved me locked.
Why does every pleasure seem to be sided by great agony?
When the only thing we wanted is a life that is drawn fairly.
Is there will be a time when my single peso could afford me with comfort?
When even the blanket of thousands could not abort my single discomfort
I wish for this taste in my mouth to last forever,
A delusion that suggests that fraudulence would happen never.
And when I finally scoop that the last drop of my melting hope,
Reality pops out and says: “Hey! Your time of dreaming is over!”

When I Think That It was Finally Checkmate!

Walking in middle of endless darkness where I feel the comfort. People thought that there is always an easy way out to ease perennial pains. We can never really spell the best formula in life, yet we find it easier to take a pause and wait for that proper time when the greatest solutions for our problems will just pop out and fall in our place. It really broke once pride for us to accept the fact that we are not all born with a silver spoons in our mouth, thus it take almost forever for somebody to find the perfect timing to start everything.

                Many may take forever to find the obvious formula in successfully battling the quest of life. No one can really stood up and claim that he/she had mastered the puzzled module of life. But when would be the time to give up? When would someone finally say that I had already exerted my fullest? When would someone use the reason of inability to justify his lost? 



Sunday, July 15, 2012

Hay Buhay... Buhay Hay ...



Marahil, isa sa mga pinaka malaking nahita ko sa madalas na di paglabas ng bahay at paggawa ng mga bagay na halos di ko akalaing matatagalan kong gawin ay ang matuto at tila ba ay maging dalubhasa sa pagtimpla. Pagtimpla na hindi magawang gamitin sa pagluluto bagkus ay pagtimpla ng mga reaksyong wari bang normal at nakaprograma na sa mga utak ng tao. Biruin mu yun!? Na kahit na ang pinaka walang kwentang buhay sa mundo pala ay may tinataguring mga kaalaman kung pagtutuunan lang ng pansin. Isa sa mga pinaka malaking nadiskubre ko nitong mga nakaraang araw ay ang problema ng mga karaniwang tao; Bukod sa pera isa lang naman ang talagang pinoproblema ng mga tao mapa-paksa man sa radio mga palabas sa tv at sa karamihan ng mga babasahin sa merkadp particular na yung mga pocket book na madalas na hawak ng mga kapitbahay namin… yun eh ang kani-kanilang buhay pag-ibig.
Hindi ko man maintindihan kung saan nanggagaling ang takot ng karamihan na maiwang mag-isa at mawalang ng kapareha sa buhay, eh tila mahahanap ko naman parati ang sarili kong nakikinig at nagbibigay ng simpatya sa kanila, bagamat sa isip-isp ko’y mukhang malabo ko namang maranasan ang katulad na sitwasyon gaya sa kanila. Sa dami na ata ng mga napakinggan ko sa radyong mga caller na nag-uumiyak dahil hindi daw makapag-move on kuno, sa mga napanuod kong mga teleseryeng laging may against all odds na tema at idagdag mo pa ang mga nababasa kong status sa facebook ng mga taong naglalabas ng hinanakit at maging ilusyong magugustuhan din sila ng mga taong wala naman ni katiting na pakialam sa kanila ay tila na memorya ko na kung anu-anong mga emosyon at reaksyon ang dapat ilabas ng mga taong possibleng mahantong sa mga kahawig na sitwasyon.

Para sa mga taong hindi daw makapag-move on- karamihan ng mga taong tumatawag sa mga radio station sa ngayon eh ganito ang problema. Sa una ipagpipilitan pa nila na medyo nakapag-move na daw sila, sabay iiyak at magpapakabitter kapag may nakapag-paalala ng mga nakaraan nila kasama ang mga ex nila. Karamihan sa mga ganito ay lilinya pa ng…. hindi ko ata kaya ng wala sya… pano nalang yung mga pinaplano namin… alam ko mahal parin nya ko… at hindi ko na ata kayang burahin sya sa isip ko. Kung ako yung nagpapayo sa radio tulad nila DJ Chacha, Papa Jack at Chico Loko malamang ay irerecord ko nalang ang iisang payo pa para sa kanila. Simple lang naman ang payo para sa mga ganyang kadramahan sa buhay, “kung hindi mo kaya mabuhay ng wala siya edi magpakamatay ka! Ngayon kung matatauhan kang mas mataas ang value ng buhay mo kesa sa tao na yun then congratulation! Dahi malamang eh mababasa mo pa ulit tong blog ko at malamang eh makakatawag ka pa ulit sa radio para makapagshare ng mga mas latest mong experiences with other people”. Simple lang naman ang remedy para sa mga broken hearted eh, at iyon ay ang isiping nakaya mong mabuhay at maging masaya noong mga panahon ikaw lang mag-isa at side dish nalang ang saying idinudulot sayo ng iba.

Para sa mga taong may gusto sa mga taong di naman interesado sa kanila- madalas ay problema ng mga kababaihan ang mga ganitong scenario, malas lang kasi nila dahil di naman ganung tanggap sa Pilipinas at sa karamihan ng mga bansa sa mundo na ang babae ang syang nanliligaw sa mga lalaking gusto nila. Kaya nga di ba’t karamihan sa mga tema ng mga teleserye ngayon at maging ng mga asianovela eh laging inaambisyon ng mga babaeng “no boyfriend since birth” yung mga lalaking  gustong- gusto nila, pero sa bawat ending eh laging nagbabago yung buong pagkatao ng babae bago sila magustuhan ng mga bidang lalaki in short yung mga lalaki parin ang tanging may prebilehiyong mamili ng klase ng mga gusto nilang makarelasyon. Sabi nila, kung may tiyaga daw ay laging may nilaga pero sa kasamaang palad, ang pag-ibig lang ata ang isa sa maraming bagay sa mundo na di kadalasang nakukuha sa tiyaga at walang hilig sa nilaga. Minsan may isang babaeng matapang na nagsabi sa isang lalaki ng nararamdaman nito sa kanya. Nagumpisa lang ang mga pagtatapat na iyon sa text, kung minsan ay magtetext ng mahal kita pero sa ibang lenggwahe o dayalektong ang babae ito sa pag-aakalang hindi alam nung lalaki ang ibig sabihin nito. Dahil sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya eh sa mga social media ang mga sumunod niyang pagtatapat merong sa e-mail, multiply,friendster,facebook at maging sa skype.Pero sa kasamaang palad eh NR(No Reaction)ang lalake sa lahat ng effort nya. Kung ikaw yung lalaki, anu kaya ang mararamdaman mo? Manliliit ka ba at mapapaisip kung mukha ka na bang  sisiw na ubod ng duwag sa puntong mismong bulate na ng lumalapit sa iyo para magpatuka? O magiging proud ka pa sa sarili mo dahil hindi na nakakatiis ang mga kababaihan na ipagtapat nila sayo ang nararamdaman nila dahil sa sobrang kagwapuhan mo? ... hehe magiilusyon ka pa ba? Alam mo naman yung tunay na sagot diba? Alam kong hindi talaga madali ang magpakatotoo sa sarili lalo na sa mga taong tila ba nabubuhay sa sarili lang nila hangin, ngunit dapat din siguro nating tandaan na hindi lahat ng bagay ay ginawa ng Diyos ng magkatugma. Hindi dahil sa nagkagusto ka sa isang tao eh magkakagusto na rin siya sayo at lalong hindi porket may ilan na tila ba dinuduyan ng pag-ibig dahil sa pagkakatagpo nila ng kanilang kapareha ay mangyayare na rin iyon sa mga relasyon mo kung magkakaroon ka man. Nakakalungkot mang isipin at tanggapin , matututo tayong mabuhay sa reyalidad at rasyonalismo. Matutong wag laging umaasa at magpaasa ng hindi makapanakit at masaktan ng iba.

Para sa mga taong nasasaktang makita na masaya ang mga dating nakarelasyon nila sa piling ng iba – Sabi ng mga matatanda eh, ‘’wag mong bibitawan ang mga bagay na di mo kayang makitang nasa kamay ng iba”. Marahil ay may punto ang matatanda nang sabihin nila ang mga katagang iyon, pero pano mo naman kaya pipilitin pang hawakan ang isang bagay na tila apoy na sa init at patuloy kang sinasaktan? Isang bagay ang madalas nating hindi nakikita sa patuloy na pagpintig ng ating mga pulso sa ibabaw ng mundo, “Walang lugar ang equality sa reyalidad ng buhay sa ibabaw ng mundo”. Bagamat tila sampal sa mukha ang makitang nagsasaya ang ilan sa mga bagay na minsan mong binitiwan ay wala ka pa ring ibang magagawa kung hindi magpatuloy sa sarili mong buhay. Sa kasamaang palad, hindi naman kasi makikisabay ang mundo sa mga panghihinayang mo at pipiliting umikot ng pabaliktad para lang sayo. Sadyang walang gamot para sa sugat na nilikha ng emosyon, sabi nga nila hindi kaylanman nakukuhang maghilom ng mga sugat na gawa ng ating emosyon  bagkus natututunan lang nating masanay sa sakit at mabuhay ng yakap-yakap ito na tila normal lang.Kung makukuha lang sana sa isang band aid ang lahat ng sakit na dulot ng minsang pagmamahal edi sana eh out of stock na lahat ng band aids sa buong Pilipinas. Pag-aralang hanapin ang kaligayan sa sarili at wag sa ibang tao, sa ganitong paraan ay matututunan mo rin ang makapagbahagi ng kaligayan sa ibang tao. Buti nalang at unlimited ang tsansa nating humanap ng mamahalin! Kaya maswerte ka pa rin J.

Para sa mga tanong hanggang pangarap nalang ang lovestory- Ito na siguro ang pinakamasaklap na scenario na maaaring danasin ng isang tao. Maraming dahilan kung bakit humahantong sa ganitong sitwasyon ang isang tao. Maaring masyadong ginampanan ng taong ito ang titulong “Pasan Ko ang Daigdig” at di na gawang pagtoonan ng pasin ang sariling buhay dahil sa pagtustos sa pamilya, pwede rin namang masyado lang naging mapili ang taong ito na tila ba wala ng nakapantay sa kagandahan o kagwapuhan niya, possible ding nagnanais na magbida sa sarili niyang pelikula ang taong ito at nagiilusyon sya na may tao siyang hinihintay na laan kuno sa kanya(isang prinsipeng nakasakay sa kabayo sa mga babae at isang sassy girl naman para sa mga lalaki) at huling posibleng dahilan ay kung nabibilang sa third sex ang taong ito at hindi man lang niya nagawang aminin ang buong katotohanan sa sarili nya kaya ayun! Puro pag aambisyon nalang ang nangyari sa buhay nila, kung baga sa tunay na buhay may script ngang nakahanda wala namang produksyong bubuo ng naturang pelikula.

Hindi ko na alam kung papaano ko tatapusin ang kwentong ito pwede kasing may mga di pa ko nasama at nakalimutan ko lang banggitin sa ngayon. Dahil dito masasabi ko munang ito na siguro ang parting magcocomercial break muna.

Friday, May 18, 2012

Poisonous Do Not Read....(Nakamamatay Wag Basahin)


May makapagsasabi kaya kung saan matatagpuan ang mga piping kasagutan ng buhay? Paano kaya mabibigayan ng wakas ang bawat kasawian kung ang bawat kabanatang natutuldukan ay naghuhudyat ng panibagong kabiguan? Pano ba tunay na mabibigyang lunas ang isang karamdamang tila wala namang lunas? Isang karamdamang tila sumpang unti unting kumikitil sa isang buhay na tila puno ng kagandahang hiram.
Madalas kong itanong dati sa sarili ko kung kelan kaya ako matatapos sa lahat ng assignments at project sa school. Isang walang muwang na kathang tila ba nagsasabi na ang buhay ay kasing dali lang ng pagsagot sa ilang nakasaad na mga katanungan sa workbook ng isang elementary student. Buhay na mahahalintulad sa isang librong parating inaabangan ang katapusan sa huling pahina nito.

Sa pagdaan ng panahon na wari bang nilalapit ako sa takdang huling pahina; nalungkot lang ako. Nalungkot dahil ang inakala kong huling pahina ay isang bintana lang pala tungo sa isang mas makapal na mga kabanata pang dapat ko ring pagdaanan. Kinambalan pa ng takot ang lungkot na lumukob sakin. Di ko na ata alam ang dapat kong puntahan. Hindi na. Hindi ko akalain na aabot ito sa ganito, isang tumatanda ng batang kabayong pangakera.

Sa pagpapatalo ko sa tangkot ng reyalidad ay inagos ako ng panahon sa malaking lubak, lubak na di ko na ata kaylan mga maaalpasa. Piliin ko mang managhoy ng tulad sa bawat serye sa telebisyong aking nasubaybayan, mali pa rin ako hanggang sa huli. Di tulad ng seryeng pang katha ay di matatapos sa kasiyahan at pagkakaayos ng lahat ang mundong gingalawan ko sa ngayon. Di tulad ng mga seryeng may takda ng wakas sa bawat script na laan dito, ang buhay na minsan kong iginuhit na nananatili paring nakatiwangwang ang katapusan.

Paano nga ba magandang lakipan ng katapusan ang buhay na aking sinimulan? Pipiliin ko ba yung cinematic na huling paaalam o mananatili sa isang payak at konbensyonal na katapusan? Narito ang ilang eksenang naisip ko para sa aking katapusan: 1.Mamamatay sa sakit – dahil medyo may kahinaan ang pangangatawan ko,inaashan ko nang ito yung finale na nakalaan sakin. Nakaratay sa higaan habang pinalilibutan ng mga kaanak na aking pinatawag; iiyak ang mga kamag-anak sa aking likuran dala ng hawag sa kinasapitan ko at takot na rin na mapgdaanan ang eksenang pinagbibidahan ko; at sabay  sasariwain ang mga kabutihang aking nagawa na tila isang banal na walang kasalanang nagawa.Bidang-bida ang datingan ko dito diba?  2.Self service death –isang hindi magandang ideya. Isa sa pinakaduwag na pagkatha ng wakas, boring kung isasapelikula dahil walang ibang kasama. Masasakatan ka, magsisisi at luluha ng mag-isa. Kung isasapelikula ay kawawa lang ang artista, dahil sa malamang eh manuyot na sya sa kakabungkal ng emosyong sya lang ang magtatamasa. 3. Mamamatay sa tapik ng tadhana –ito na ata ang isa sa pinaka magandang ideya na maari kong imungkahi para sa pagpapaalam. Maraming pagpipilian sa katapusang ito pwedeng pangmaramihan at pede ring isahan; pwedeng gawing dalawahan para romantic o di kaya naman medyo karumal dumal o di kaya naman eh yung medyo tragic. Kung susuwertihin pede pang may kalakip na Burial Package yung ganitong katapusan lalo na kung sa malalaking kompanya gaganapin ang mga eksena.Halimbawa na kung mamamatay ka dahil sa pakaipit sa escalator ng SM malls, o di kaya naman eh mapofood poison ka habang nakasakay sa eroplano ng Cebu Pacific o di kaya naman eh kung mababagsakan ka ng mga ataol na nakadisplay sa Funeraria Paz.  4. Redanduncy –isang melodramatic na ideya, ilang beses na pinopromote na mageending ka na pero di sinasadyang magkakaroon ka pa ng makailang ulit na sequel na daig pa ang istorya ng Harry Potter. Nakikiusong ideya dahil sa panahon naman tayo ng unlimited ngayon dib a? Dahil nga sa haba ng dapat sana’y huling kabanata na ito ay maski yung mga taong dapat sanay makakakuha ng award winning scene for their dramatic performance eh mawawalan na ng ganang maglabas ng luha at emosyon sa lamay mo.  5. Miteryosong huling kabanata- kung isasapelikula, ito na siguro yung pinaka-tatabo sa takilya. Isang wakas na nangangailangan ng madugong brainstorming; pwedeng ibitin ang ilan kasagutan para sa mga katanungang tulad ng : Sya ba talaga ito? (dahil nasunog o di kaya naman eh din a makilala ang katawan ng namatay), Hindi kaya buhay pa sya? (dahil di naman nakita ang katawan ng namatay, pwedeng inanod sa estero o di kaya naman  nahulog sa eroplanao), May foul play kaya dito? (dahil sa hindi masiguro kung self service ang eksena o di kaya naman ay nagpaplanuhan lang talaga ng masuhay ng mga assasin) at Ito na ba talaga ang katapusan? (dahil patuloy pa rin ang pagpaparamdaman ng bida sa katapusan,pwedeng humihingi ng tulong o di kaya nama’y mayroon pang unfinished business kuno). Ilang lang to sa mga ideyang pinagisipan ko ng minsang maisip ko kung panu kaya kung maging sikat na tao ako?Paano kung may isang loko-lokong makaisip na mag-aksaya ng ilang milyon para isapelikula ang buhay ko? Pano nila isasapelikula yung buhay ko?

Sa katunayan ay hindi parin ako desidido kung sa panung paraan ko tatapusin ito. Marahil ay magandang tapusin ito sa pag-iisip ng isang magandang titulo para sa huling eksenang pagbibida ko. Ano nga kaya? “Isang paglalakbay ng isang bangkang papel sa kumukulong pool ng arnibal”..hmm ang tutuo ay marinigan na ko ng kahawig na titulong ganito at medyo nagandahan ako kaya eto medyo ginagaya ko lang ngayon,  di kaya ako mademanda ng pladyerismo nito? Pwede rin namang “Ang Maambisyong Paglipad ng Tutubing Karayom sa isang Five Star Hotel” hindi naman kaya masyado yong mahahaba kung ganitong titulo ang gagamitin ko? Baka naman  mahal yun pag pinagawan ng tarpaulin? Hmm… marahil ay pwede na rin ang “Z” bilang titulo tutal naman iyon din ang letrang pinakahuli sa ating alpabeto. O di kaya naman ay.

Anu pang hinihintay mo? Tapos na nga di ba? Tinapos na ng tuldok. Kuha mo?

Wednesday, May 2, 2012

Mga Lumang Bago (Mga Tagpi tagping Resiklo)

"Mabuti pa pag bata masaya.... kapag may problema ang takbo ay kay ina,,, sabi nga sa isang kanta."


Pilitin ko mang limutin at magpatuloy sa pagpapanggap na kaya kong iguhit ang takbo ng buhay ko sa kung anong hubog na naisin ko itong pangarapin,  tila hinihila pa rin ako ng pagkakataon sa puntong ako’y muling hahantong sa isang desisyong na magbibigay sakin ng kawalan ng pagpipilian. Oo, bagaman alam ko sa salita at katha ang guhit ng buhay na gusto kong patakbuhin, ngunit ang malaking suliranin  kung papaano akong magsisismula sa pagguhit nito. Ngayo’y wari mong nakatiwawang na binhi sa tigang na punla, umaasang madadampian ng ginhawang papawi sa aking uhaw mula sa ulang hindi naman alam kung kalian magsisismula, nagaantay sa hangin magdedisisyon kung sa anong landas ang aking patutunguhan o di kaya’y sa mismong lupang kinatatayuang walng kasiguruhan. Pano nga kaya yayabong ang binhi ng kawalang pakialam? May pagkakataon kaya akong umasa  sa mga prutas o bulaklak man lang mula sa binhi ng hindi kasiguruhan.

Happily ever after, mukhang sa fairy tales ko lang na talaga yun maririnig.Kung sa bagay mas masahol pa yata sa kahit anong love story ang kailangan kong pagdesisyonan. Kung tutuusin, hindi naman na sana aabot sa ganito ang istoryang aking iginuguhit ngunit dahil na rin sa kawalan ng magaling na director na akin sanang ginagampanan ng buong husay,eto’t hindi mabigyan ng magandang dyastipikasyon ang estoryang ito.

Ngayo’y muling dumarampi sa bawat buton ng makinilya ang bawat daliring tila napipilitan lamang gumawa ng isang bagay na kaunting makakabawas ng kalituhan ng isang pipityuging mangangatha. Tila hindi gumagana ng tama ang kaliwang bahagi ng aking utak, bagamat hindi rin ko sigurado kung sa kaliwang bahagi ba talaga ng utak ko ang diperensya base sa mga pinag-aralan ko nuon. Hahaha, tila nadala na rin ako sa binuo kong pagpapanggap bilang madunong na Homo sapiens. Akala ko’y sapat ng makuntento sa mga patakip butas kong pagresolba sa mga kinailangan kong mga pagsosolusyon, datapwat hindi man lamang ako naglaan ng panahon upang silipin at pag-isipan man lamang ang bawat bagay bagay. Bakit kaya hindi kayang magawang lahat ng parang bumubuo ka lang ng lego blocks ang lahat ng mithiin mo sa buhay. 

Sunday, April 29, 2012

Isang Lapis na Walang Tasa


Isang lapis na puno ng ganda ngunit wala pang tasa,
Tunay na naiiba kung ipangkukumpara.
Bagama't kung tutuusi'y gamit ay iisa,
Naturang lapis ay sadyang aangat sa iba.
Ngunit kung ang lapis ay wala namang tasa,
Anu pang magiging silbi nito sa kabila ng angking ganda?

Ang lapis na ito'y patuloy na kinaiinggitan,
Sa mga bagay na puno ng walang kaalaman.
Anu pa kaya'y naturingang may tangang pambura,
Kung wala namang kamaliang maimamarka!
Mabuti ba ang ganitong hindi kaylan man makakaguhit ng mali,
O mas katangi-tangi ang magkamali't hayaang sa pambura'y bumawi?

May gamit pa kaya ang isang lapis na walang tasa?
Kung hanggang sa katapusan di na makakakita ng pantasa.
Anu pa kaya ang maiiwang ala-ala,
Kung ni isang linya'y walang naisakwala?
Darating din ang panahon, ang ganda at tikas ng lapis ay gugupuin na,
Daraan ng panahong unti-unting pupodpod sa kasiyahan.
Darating din ang pagkakataong mapipilitang lumaban sa iba,
Ngunit dahil salat sa tulis ay di pa nagsisimula'y talo na.

Isang malungkot na katha ang laan para sa lapis na walang tasa,
Pagkat ang buhay nito'y pawang mahirap na hanapan ng kwenta.
Pano ba naman ng kulay at ganda?
Kung ang tanging rason ng pagkakalikha ay di maisagawa.
Mabuti pa sigurong igataong nalang sa siga,
Ng magkaroon man lang ng silbi at sa mundo'y magmarka!

Sa huli'y isang blankong marka parin ang maiiwanan,
Isang buhay na walang galos at walang kasawian.
Mabuti pa siguro'y pagkakataon ay di na napagkalooban,
Pagkat ni isang buti'y hindi naisakatuparan.
Isang estoryang ni guhit ay hindi man lamang nagawan ng marka,
Isang buhay na puno ng kalungkutan at pagiisa,
Isang tunguhin na sanay pinapangarap ng iba,
Isang pangarap mula sa isa lapis na walang tasa!.